Behest loans sa GFIs tutuldukan na

TINIYAK ni Sen. Teofisto Guingona III na tutuldukan na ng Senado ang behest loan sa lahat ng government financial institutions tulad ng Development Bank of the Philippines (DBP) na iniimbestigahan ngayon ng Senate Blue Ribbon sa pagbibigay ng P660 milyong pautang sa kaalyado ng dating administrasyon.

Sinabi ni Guingona na tungkulin ng Kongreso, partikular ang Mataas na Kapulungan na tiyakin na hindi maipagpapatuloy ang ganitong uri ng pagsasamantala sa pera ng DBP na dapat maliliit na Pilipino ang nakikinabang.

“Hindi ba kaya itinayo ang Development Bank of the Philippines upang tulungang ma-“develop” o umasenso ang mga magsasaka at maliliit na negosyante?” tanong ni Guingona.

“Hindi ba’t iyan ang dahilan kung bakit naglabas ng pera ang gobyerno noong araw pa galing sa pera ng bayan para magtatag ng isang Development Bank of the Philippines?” ayon pa sa senador.

Sa panahon ng diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos nagsimula ang behest loans sa mga government financial institutions tulad ng DBP na pinakinabangan ng taong malalapit sa administrasyon tulad ni Roberto Ongpin na kilalang kaibigan ni dating first gentleman Mike Arroyo.

Iniimbestigahan ngayon ng Senado ang kahina-hinalang pautang ng DBP sa kompanya ni Ongpin, ang Delta Ventures Resources Inc. (DVRI), na nakakuha ng P660 milyon sa naturang bangko kahit kapos sa kolateral ang kompanya.

“Ilang beses na in the past na nalagay sa alanganin ang DBP dahil sa mga tinatawag na behest loans,” ayon kay Guingona.

Sa pagdinig ng Senado, natuklasan na kapos sa kolateral ang DVRI sa panahon ng pag-utang nito sa DBP base sa naluging financial statement ng kompanya noong 2008. Naaprubahan ang pautang sa DVRI noong 2009.

Hinala naman ni Aurita Villoso, internal auditor ng DBP na isinagawa ang pautang nang mabilisan kahit kapos ang ari-arian ng kompanya ni Ongpin.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply