Bentahan ng dugo sa Saudi pinabubusisi ng DFA

PINABUBUSISI na ngayon ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang napaulat na pagbebenta ng dugo ng mga undocumented overseas Filipino Workers (OFW) sa Saudi Arabia.

Ayon sa DFA, nais nilang malaman ang katotohanan sa naturang ulat para matulungan ang mga undocumented OFW na napipilitang gumawa ng pamamaraan para may makain at mabuhay.

Sinasabing binabayaran ng 300 rial o tatlong libong piso ang mga undocumented OFW na nagbebenta ng kanilang dugo.

Upang mabuhay at may maipadalang pera sa kani-kanilang pamilya sa Pilipinas, ilang OFWs ang nagbebenta na umano ng kanilang sariling dugo sa Saudi Arabia.

Sa tinanggap na ulat ng Migrante-Middle East (M-ME), may mga Pinoy na walang trabaho at undocumented ang napipilitan nang magbenta ng sariling dugo sa mga ospital upang matustusan ang sarili para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan at may maipadala sa kanilang pamilya sa Pilipinas.

Isang OFW na tubong Tondo, Manila ang nagkumpirma umano kay John Leonard Monterona, regional coordinator ng Migrante ME, na matapos siyang tumakas sa kanyang amo dahil sa pang-aabuso at hindi pagbibigay ng kanyang sahod ay nagawang ibenta ang kanyang dugo para lamang mabuhay sa Saudi.

Ang naturang OFW ay nagtungo sa Saudi noong 2009 bilang isang glass cutter at nang hindi pasuwelduhan ng amo ay tumakas hanggang sa maging undocumented.

“Mahirap ang walang permanenteng trabaho at TNT. Kaya buwan-buwan nagbebenta ako ng dugo para may pera at remittance para sa pamilya ko,” ayon sa OFW kay Monterona.

Bukod sa naturang OFW isa pang Pinoy na si ‘Miko’, 38, store merchandiser sa Riyadh ang nagbenta rin ng kanyang dugo sa isang ospital sa Riyadh nang siya ay matanggal sa trabaho at nahirapang makahanap muli ng papasukan sa loob ng tatlong buwan.

“Una, nag-donate ako ng 500 CC, binigyan ako ng 500 Saudi rials (SR). Pagkalipas ng 2 buwan, 500 CC ulit ng dugo, binigyan ako ng hospital ng 300 SR,” salaysay ni Miko kay Monterona.

Bagaman walang nakikitang mali sa pagdo-donate ng dugo, hiniling ng Migrante sa Embahada ng Pilipinas sa Riyadh na magbigay ng shelter para sa mga undocumented Pinoys na nagigipit at tumatakas sa mga amo.

Tinatayang may 8,000 hanggang 10,000 undocumented na OFW sa Saudi Arabia. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply