Bentahan ng marijuana kinukunsinti ng kapitan

ISANG ginang na mahal na mahal ang kanyang anak at ayaw ang mga itong maging sakit sa ulo ng magulang o maging perwisyo sa ba-yan ang nagpadala ng reklamo.

Nais ng nasabing ginang na masupil ang bentahan ng marijuana sa kanilang lugar sa Barangay Kanluran, Rosario, Cavite.

“Tulungan n’yo po kami na matigil na ang bentahan ng marijuana na akala mo ay kendi lang na inilalako sa barangay.

“Ang mga tulak po dito ng marijuana ay sina Pipoy, Baduy at Muymuy na pawang kinukunsinti po ng aming Barangay Captain,” ayon sa text message ng ginang.

Sinabi pa ng texter, lantaran talaga ang pagbebenta ng tatlong tulak ng marijuana subalit hindi ito pinapansin ng kanilang Punong Barangay na si Jomer Bumatayo.

Kahit may reklamo, hindi umano kumikilos ang nasabing punong barangay upang ipahuli ang mga tulak na sumisira sa buhay ng mga kabataang kanilang binebentahan.

“Ayoko pong malingat at baka maging ang mga anak ko ay binebentahan na rin nila. Baka po magulat na lang kaming mag-asawa na ang anak namin ay isa na ring adik na naging biktima ng mga tulak ng bawal na gamot,” sabi pa ng ginang.

Ibinunyag pa nito na madalas ang bentahan ng “damo” sa looban ng Tropang Alagua at mga menor de edad na hindi lang nila binebentahan kundi ginagawa pang runner.

Aba’y kung ayaw kumilos ng kanilang Barangay Chairman, dapat ay kumilos ang Rosario Police Station. Hihintayin pa ba na maging talamak na ang bentahan at pawang adik na ang mga kabataan sa barangay Kanluran bago magtrabaho ang mga pulis?

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply