Bilyong pinsala iniwan ng magkasunod na bagyo sa Bulacan

NAKAPAGTALA ang pamahalaan ng bilyong pinsala sa lalawigan ng Bulacan matapos ang magkasunod na pag-atake ng bagyong “Pedring” at “Quiel.”

Sa lumabas na datos, mahigit sa 30,000 Bulakenyo ang inilikas sa mga paaralan, simbahan at barangay hall. Karamihan sa kanila ay nagmula sa bayan ng Calumpit kung saan 26,000 tao ang inilipat sa 14 na evacuation center.

Nagtala rin ang Bulacan ng tinatayang P1 bilyong pinsala sa produksyon ng bigas, P220 milyon sa palaisdaan, P157 milyon sa gulayan at P6 na milyon sa paghahayupan, ayon sa tala ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Napinsala naman ang mga district hospital ng P30 milyon, ang mga ekswelahan ng P10 milyon at P7 milyon para sa mga rural health unit.

Sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na aabot naman sa P231 milyon ang sira sa mga farm-to-market road at kalsada habang nagdusa ang irigasyon ng P53 milyong pinsala.

Nakapagtala rin ng 21 pagkamatay, apat dito ay sanhi ng pagkalunod sa bayan ng Obando.

Samantala, nakapagpamigay na ang pamahalaang panlalawigan ng mahigit P32 milyong halaga ng mga relief good para sa mga nasalanta sa pangunguna ni Gobernador Wilhelmino Alvarado.

“Nakapagsagawa na tayo ng mga relief operation sa halos lahat ng mga apektadong barangay sa Calumpit, Hagonoy, San Miguel, Obando at sa ibang parte ng Paombong at lungsod ng Malolos. Binisita rin natin ang mga di madaanang lugar sa Hagonoy upang magdala ng pagkain at inuming tubig,” ani Alvarado. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply