Blue lanes ipatutupad na rin sa EDSA – MMDA

SA kabila ng inihaing petisyon ng ilang grupo ng motorcycle riders na humihiling na pigilan ang pagpapatupad ng motorcycle lanes, pinaplano na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad na rin ito sa EDSA at C-5 Road.

Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, suportado ng mga alkalde sa Metro Manila, maging ng publiko at nakararaming motorista ang implementasyon ng motorcycle lane kaya wala silang planong iurong ito dahil lamang sa inihaing petisyon sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) ng Motorcycle Rights Association (MRA) na naniniwalang labag ito sa Saligang Batas.

Bilang abogado, sinabi ni Tolentino na handa siyang harapin ang petisyon dahil tama lamang gamitin ang proseso ng hudikatura kapag may nakikitang banta sa buhay at kaligtasan ng publiko.

Ang paglalagay aniya nila ng motorcycle lanes ay isang paraan upang mabigyan ng proteksiyon ang mga nagmomotorsiklo lalo na’t batay sa kanilang datos, apat hanggang anim na aksidenteng kinasasangkutan ng nagmomotorsiklo ang nagaganap araw-araw sa Metro Manila.

Gayunman, nilinaw ni Tolentino na kung itutuloy aniya nila ang paglalagay ng motorcycle lanes sa EDSA at C-5 Road, kanila nang ipatutupad ito makaraan ang Kapaskuhan dahil inaasahan na nila ang masikip na trapiko sa nasabing panahon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply