Brown rice tugon sa lumalalang malnutrisyon sa bansa

NAKATIKIM ka na ba ng brown rice?  Sa unang tikim, tila hindi mo magugustuhan ang lasa at texture nito dahil medyo magaspang sa dila.  Pero may lasa ito na tila mais sa tuwing ngunguyain at mararamdaman ang butil na akala mo sa una ay hilaw ang kanin.

Sa ngayon, hinihikayat na ng gobyerno ang mga Pinoy na mag-shift na pagkain ng brown rice o “pinawa” kung tawagin sa Katagalugan bilang pangunahing pagkain ng mga Filipino kapalit ng puting bigas dahil sa benepisyong pangkalusugan nito.

Ano nga ba ang brown rice?  Ito ay ‘unpolished whole grain” sa pamamagitan ng pagtanggal ng unang ipa nito o ang “husk.”   Brown ang kulay nito sa unang stage ng paggiling ng bigas.  Kapag muling isininailalaim sa paggiling ang bigas na ito sa ikalawang pagkakataon, nagiging maputi na ang mga butil nito.

Mayaman ang brown rice o pinawa sa fiber at essential oils na kilalang proteksiyon laban sa pagkakaroon ng sakit sa puso at gastrointestinal diseases o sakit sa loob ng katawan.

Tinataya ng American Journal of Clinical Nutrition na ang isang tasa ng brown rice ay nakapagbibigay ng 88 porsiyento ng manganese na kinakailangan ng ating katawan kada araw na nakatutulong sa kumbinasyon ng fatty acids na mahalaga sa malusog na nervous system.

Sinimulan na ng pamahalaan ang kampanya hinggil sa paggamit ng brown rice sa mga Filipino sa pangunguna ng Department of Science and Technology (DOST) at unti-unti na itong tinatangkilik ng ilan.

Kasalukuyan nang pinag-aaralan ng DOST na maging abot-kaya ang presyo nito sa nakararaming Pinoy partikular sa sinasabing middle at lower classes.  Ang brown rice ay nagkakahalaga mula P45-50 kada kilo nito.

Para naman mahikayat ang rice millers na mag-prodyus pa ng maraming brown rice, dinibelop ng DOST ang isang proseso sa pagpapahaba ng buhay ng brown rice mula  sa tatlo hanggang walong  buwan. Ayon sa DOST experts, maikli ang buhay ng brown rice o madali itong masira kumpara sa puting butil ng bigas.

Pinatunayan na rin sa pag-aaral ng DOST experts na kapwa taglay ng brown rice at white rice ang parehong dami ng calories, carbohydrates at protein, fatty acids at fibers, nawawala ang maraming sustansiya ng bigas kabilang ang Vitamin B1, Vitamin B3, iron at magnesium sa ikalawang proseso ng paggiling.

Pinatunayan  ni Dr. Custer Deocaris, isang balik-scientist awardee ng DOST, na ang pagkain ng brown rice ay makatutugon sa lumalalang problema sa malnutrisyon o kakulangan ng timbang sa mga bata dahil hindi nito nakukuha ang mahahalagang sustansiya sa pagkain na mahalaga sa isang batang lumalaki at sa pagpapatalas ng kaisipan.

Kasabay nito, nananawagan ang DOST sa mga opisyal ng ng mga paaralan at komunidad na gumawa ng hakbang at makapagbigay ng wastong impormasyon sa mga pamilya at indibiduwal sa mabuting kalusugang dulot ng pagkain ng brown rice.

Sa pagsasaing ng brown rice, magdagdag lamang ng 1 tasang tubig sa dami ng tasa ng bigas na isasaing.  Halimbawa 4 cups ang isasaing para sa 5 miyembro ng pamilya, dagdagan ito ng 1 tasang tubig para hindi naman masyadong matigas ang kanin kapag naluto na.

Masarap at patok din sa pamilya maging sa mga bata ang sinangag gamit ang brown rice.  Lalo pa kung sasahugan ito ng corned tuna o maging ordinaryong sardinas at itlog, konting asin, para ka na ring kumain ito sa isang mamahaling restaurant sa labas.  Subukan mo! Tiyak babalik-balikan mo! Linda Bohol

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply