Halloween party sa Undas tinututulan ng CBCP

TUTOL ang maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagdaraos ng mga Halloween party at iba pang mga katatakutan sa  All  Saints’ Day at All Souls’ Day dahil nakakasira umano ito sa mga naturang mahalagang okasyon.

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace (NASSA), maling paniniwala tuwing Undas na ihambing sa mga aswang at mga multo ang mga  kaluluwa.

Iginiit ni Pabillo na sa halip na “paglaruan” ng tao ang paggunita para sa mga yumaong mahal sa buhay ay alayan na lamang ang mga ito ng panalangin.

“Kasi hindi naman yan mga aswang ang ginugunita natin kundi ang ating mga mahal sa buhay kaya wag  nating paglaruan o ihambing sa ganyang mga paniniwala,” ayon kay Pabillo sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Kaugnay nito, hinikayat ng obispo ang mga tao na ang ipagpatuloy ay ang magandang kultura na pagkakaroon ng reunion tuwing panahon ng Undas.

Ito aniya ay magandang kultura na nangangahulugan na sa pamamagitan ng mga yumaong mahal sa buhay ay nagkakaroon ng pagkakataon na magkasama-sama muli o magkaroon ng reunion ang pamilya.

“Isang dahilan nga  ang reunion natin ay dahil sa mga yumao  natin, at yan ay isang magandang  pamamaraan na  pati ang mga patay na  naging bahagi ng  buhay natin na nagkakatagpo  tagpo ang mga buhay  dahil sa  mga  yumao so iyan ay  maganda  at patuloy nating palaganapin,” aniya.

Paalala  pa ng obispo, dapat gamitin talaga ng mga tao ang Undas upang matulungan ang mga  kaluluwa ng  mahal sa buhay na makarating sa kaluwalhatian sa pamamagitan ng panananalangin.

Samantala, wala namang nakikitang masama si Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso sa secular na preparasyon o  nakagawian tuwing Undas.

Ayon sa obispo, bilang tao hindi masama na magsagawa ng reunion, handaan at kasiyahan sa paggunita ng All Souls’ Day at All Saints’ Day.

Pahayag pa ni Medroso, ang mahalaga ay hindi malimutan ang pananalangin para sa kaluluwa ng mga  mahal sa buhay at para sa mga buhay na kasiya-siya na narito pa sa lupa.

Idinagdag pa ng obispo na ang Undas ay simbolo ng pagdiriwang ng buhay at kamatayan sa antas ng pananampalatayang Katoliko. Kyle Gatus

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply