Cha-cha ipinababasura ng solon

DAPAT ibasura ng Kamara de Representants ang Charter-change (Cha-cha) na isinusulong ngayon ng liderato ng Kongreso.

Ito ang panawagan ni Gabriela Party-list Rep. Luz Ilagan kay House Speaker Feliciano Belmonte maging sa mga kasamahang mambabatas.

Tahasang sinabi ni Ilagan na dapat kontrahin ng mga kaalyado ni Pangulong Benigno Aquino III ang Cha-cha dahil noon pa man ay nagpahayag na ng pagtutol dito ang Pangulo.

Umapela rin si Ilagan kay Pangulong Aquino na rendahan ang mga kaalyado nito sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso upang mahinto ang balak ng mga ito ukol sa pagpapalit ng Saligang Batas sa pamamagitan ng legislative constituent assembly.

May hinala ang kongresista na “playing safe” lamang ang administrasyong Aquino kaugnay sa isyu ng Cha-cha subalit ang katotohanan umano ay nananabik din ang gobyerno sa pag-alis ng restriction sa mga foreign investment na target ay ang maging miyembro ng Trans-Pacific Partnership (TPP) group.

Binanggit din ni Ilagan ang sinabi ni US Ambassador Harry Thomas ng hilingin nito sa gobyerno na ituloy ang Charter change at alisin ang restriction sa foreign land ownership na siyang requirement para maging miyembro ng TPP.

Sa halip aniyang isulong ang Cha-cha ay makabubuting pag-ukulan ng panahon ng Kongreso ang mga pamamaraan upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga Filipino tulad ng pag-bawi sa EVAT at pagbasura sa Oil Deregulation Law.

Aniya, maraming panukala ngayon ang nakabinbin sa Kongreso na aniya’y mas mahalaga kaysa sa Charter change.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply