Chair. Margie Juico ng PCSO at ang takutan sa Customs

HINDI malabong mangyari ang kasabihang history repeats itself sa loob ng Bureau of Customs.

Daang matuwid! Yan ang alituntuning ipinapakita ng mga bagong opisyal na itinalaga ni Pang. Noynoy sa loob ng Aduana.

Walang korapsyon, walang tatanggap ng suhol at para sa bayan ang gagawin sa araw-araw.

ANO ANG BUREAU OF CUSTOMS?

Hindi ba’t isa itong sangay ng pamahalaan na nangangalap ng buwis mula sa mga produktong dayuhan? Sa madaling salita kailangang kumita ang kabang bayan mula sa BoC!

Isa rin itong sangay ng pamahalaan para masigurong walang makapapasok na kontrabando sa bansa na makaaapekto sa kabu-hayan ng sambayanan.

Sa madaling salita hulihin ang mga kontrabando na labag sa ating batas.

LIGAL ANG INAAWAY

Bakit mga ligal na importer ang kasalukuyang biktima ng mga opisyal ng BoC at hindi yung mga tunay na ismagler na tinatawag?

Base sa bulong ng ating UZI, tigil ang lahat ng aktibidad sa loob ng Bureau of Customs, ang mga matikas na ismagler ng bigas, asukal, gulay, karne, ukay-ukay atbp.  ay stop look and listen ang diskarte sa bagong pamunuan ni Comm. Ruffy Biazon at Depcomm. Danny Lim.

Hooops! Pero hindi lang ang mga ismagler ang tumigil ngayon kundi pati negosyanteng ligal ay naaandap sa pagpaparating ng kargamento dahil sa magulong sistema sa Aduana.

Dahil sila ngayon ang napagdidiskitahan ng mga bagong nakapuwesto para lang sabihing may ginagawa sila sa problema sa koleksyon ng BoC.

Sa madaling salita alert dito alert doon ang nangyayari kaya sobrang abala ang dulot nito sa mga negosyante.

BAGSAK NA KOLEKSYON

Inaasahang muling babagsak ang koleksyon ng BoC kahit ibinaba na ang target nito, dahil sa halip na sumigla ang kalakalang internasyonal ay tiyak na matatakot ang sinoman na magparating kung ganito ang nangyayari.

Heto rin ang sitwasyon na nangyari kay pinalitang si  Comm. Angelito Alvarez kung saan kahit na pilit nitong ipinakikita sa Malacañang na matuwid ang kanyang tinatahak na daan ay hindi ito lumusot sa ilong ng Pangulo dahil bagsak pa rin ang kanyang koleksyon.

Demanda rito,  demanda roon – yan lang ang nagawa nila pero nadagdagan ba ang kaban ng bayan?

Yan na naman ba ang gagawin ng bagong pamunuan: “History repeats itself?”

HUWAG TAKUTIN ANG NEGOSYANTE

Bakit di natin suportahan ang mga negosyanteng nagpaparating ng kargamento? Ang una namang nakikinabang dito ay ang mga mahihirap na makabibili ng murang produkto.

Aminin man natin o hindi di hamak na mas mura ang sapatos at damit na galing Tsina kaysa sa gawang lokal.

Sabihin nang gusto nating maging mura ang produktong lokal ay kinakailangang galing Tsina rin ang ating mga materyales. Tama po ba?

TIGIL NEGOSYO, HUBO ANG MAHIRAP

Heto ang masaklap na kailangan nating tanggapin, maaaring tumigil ang negosyante ng 6 na taong hindi maghanap-buhay pero hindi maaaring 6 na taong nakahubo o walang makain ang ating mga mahihirap.

CHARITY ANG UNA SA PCSO

Nanumbalik ang sigla ng Philippine Charity Sweepstakes simula nang matigil ang mga alingasngas na talaga nga namang nakaapekto sa mga taong nangangailangan ng tulong dito.

Ang mga liver transplant victim na tinutulungan ng National Press Club sa pamunuan ni Pres. Jerry Yap ay nagkaroon na naman ng magandang kinabukasan sa matuwid na pamunuan ni Chair. Margie Juico.

Kapit-kamay ang PCSO at NPC para dugtungan ang nanganganib na buhay ng kawawang mga batang nangangailangan ng bagong atay.

PERSONAL TOUCH

Kay Chair. Margie Juico nakita ng ating uzi kung paano ito personal na umagapay sa mga kaawa-awang ina na namamalimos sa PCSO maisalba lang ang kanilang mga anak.

Sa kasalukuyan ay nakatakda nang paoperahan sa susunod na linggo si Jazlyn Dumasal (1 yr. old) ng PCSO.

Ikapitong pasyente ito ng NPC na ang 6 na nauna ay pawang malalakas at normal na bata na.

Hindi biro ang isasagawang operasyon na kung saan ayon kay Chair. Juico ay hindi lamang ang salaping gagastusin ng PCSO ang babaunin ng pamilya Dumasal kundi ang taimtim na panalangin ng buong pamunuan ng PCSO.

BUONG PUSONG PASASALAMAT

Sa inyong makataong puso at pagpapahalaga sa buhay ng mga nangangailangan, isa pong taos-pusong pasasalamat ang nais ipaabot ng ULTIMATUM sampu  pa nang pamilyang natutulungan namin dahil sa inyong kagandahang loob.

Sa inyo, Chair. Margarita Juico, Dir. Mabel Mamba, Dir. Aleta Tolentino, Dir. Betty Nantes, Dir. Francisco Joaquin III, Board Sec. Eduardo Araullo at GM Jose Ferdinand Rojas II, sampu ng inyong kawani, mabuhay po kayo!

Huwag ho kayong magsasawang magdugtong ng kapos sa hininga nating kababayan. Muli maraming salamat po!

UZI TEXT

Text ng mga UZIserong buwisit na sa sistema.

KAMPI KAY PNOY

Huwag naman masyadong umasa sa national government. May kanya-kanyang calamity fund ang mga lokal na opisyal para magamit nila. Madaling magsalita kasi wala kayo sa puwesto ni PNoy, madaling sabihin na itaas ang suweldo ng mga manggagawa pero in reality napakahirap para sa Pangulo. +63917543….

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply