Chairperson ng Ched kinasuhan sa Ombudsman

NAHAHARAP sa patung-patong na kaso sa Office of the Ombudsman si Commission on Higher Education (Ched) Chairperson Patricia Licuanan kaugnay ng agawan sa posisyon sa pagka-presidente ng Polytechnic University of the Philippines (PUP).

Sinamapahan ng kaso si Licuanan ni PUP President Dante Guevarra ng paglabag sa Article 171 ng Revised Penal Code o “falsification by public officer”; Article 172 o “use of falsified documents; Article 177 o “usurpation of authority”; Article 183 o “perjury”; Article 241 o “usurpation of judicial functions” at Republic Act 3019 o “Anti-graft and Corrupt Practices Act”.

Kabilang din sa mga nakasuhan ay sina Atty. Estelita dela Rosa, board secretary, PUP Board of Regents at Atty. Augustus Cezar, vice-president for administration ng PUP.

Sa reklamo ni Guevarra, nagsagawa ng pulong ang PUP Board of Regents noong Hulyo 4, 2011 na nagpasa ng mga resolusyon at inaaprubahan ang “evaluation report” sa unibersidad, paglikha ng ‘search committee’ para sa bagong pangulo at pagtalaga kay Edicio dela Torre bilang ‘officer-in-charge’ ng PUP.

Nagsampa naman ng petisyon si Guevarra sa Manila Regional Trial Court branch 32 na nagpalabas ang korte ng “preliminary injunction” upang hadlangan ang pagpapatupad ng ipinasang resolusyon ng PUP Board.

Nitong Hulyo 26, 2011, nagsampa naman ng petisyon si Licuanan sa Court of Appeals na nirerepresenta niya ang PUP Board of Regents sa pamamagitan ng isang board resolution na inilabas rin ng naturang araw. Isinama nito sa kanyang apela ang isang sertipikasyon na nilagdaan ni Dela Rosa na itinatalaga siyang kinatawan ng Board.

Sinabi ni Guevarra na hindi totoo ang naturang sertipikasyon dahil sa walang naganap na board meeting noong Hulyo 26 kaya kinasuhan ng “falsification” si Dela Rosa at perjury naman kay Licuanan dahil sa maling pahayag habang nasa “oath” ito ng korte at “use of falsified documents.”

Sa kabila rin ng pagpapalabas ng ‘injunction order’ ng korte, itinuloy pa rin ni Licuanan ang pagtalaga kay Dela Rosa bilang OIC ng PUP na iligal dahil sa umiiral na utos ng korte, kawalan ng order mula sa Office of the President ng bansa at hindi ito desisyon ng buong Board of Regents dahil sa tanging si Licuanan lamang ang nagdesisyon.

Patuloy na umiiral naman ang kaguluhan at kalituhan ngayon sa mga empleyado at mag-aaral ng PUP dahil sa pagkakaroon ng unibersidad ng presidente sa katauhan ni Guevarra at OIC na si Dela Rosa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply