CHED inutil sa ‘no permit, no exam’ memo

NAGMISTULANG walang saysay ang memorandum circular ng Commission on Higher Education (CHED) na nagbabawal sa patakarang “no permit, no exam policy” dahil marami pang pribabong unibersidad at kolehiyo ang patuloy na ipinatutupad ang pagbabawal na makakuha ng exam ang estudyante hangga’t di bayad sa matrikula.

Ganito ang nakalap na impormasyon ni Sen. Manny Villar kung kaya naisipan ng senador na ihain ang Senate Bill No. 2992 upang tuluyan nang ipagbawal ang patakarang “no permit, no exam” sa pribadong paaralan.

Layunin din ng panukala ni Villar na ipagbawal sa lahat ng state universities and colleges ang ganitong patakaran kabilang ang mga technical and vocational schools sa buong bansa.

Aniya, maraming estudyante ang bumababa ang grado kundi man bumabagsak sa kurso sanhi ng patakaran ng pribadong sektor dahil hindi nakakakuha ng pagsusulit na isang bahagi ng pagtutuos ng kabuuang grado ng isang estudyante.

Ipinaliwanag ni Villar na bagamat mahalaga sa isang eskuwelahan ang pagbabayad ng tuition fee at iba pang bayarin upang maibigay ang kinakailangan na serbisyo sa estudyante, dapat intindihin din na hindi lahat nang pagkakataon ay nakakaipon ng pera ang mga magulang ng estudyante sa takdang panahon kung kaya kailangan ang kaunting pag-unawa mula sa pamunuan ng pamantasan.

Sa ilalim ng panukala ni Villar na tinawag nitong “Anti No Permit, No Exam Act of 2011”, ang sinumang opisyal at

empleyado ng higher educational institution at technical-vocational schools, kabilang na ang dean, coordinators, advisers, professors, instructors at iba pa ay maaaring pagmultahin ng mula P20,000 hanggang P50,000 sa pagpapatupad ng no permit, no exam policy.

Sa nasabing panukala, hahayaan ang isang estudyante na makakuha ng mid-term o final examination kahit hindi pa

bayad sa tuition, pero magkakaroon ito ng 6 percent interest per annum.

Hindi rin ilalabas ang grado ng estudyante hanggang hindi nakakapagbayad, hindi rin papayagang makapag-enroll ng susunod na semester at hindi rin maiisyuhan ng school clearance.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply