Construction worker patay sa protesta ng PALEA

PATAY ang isang construction worker sa nangyaring kaguluhan sa pagitan ng nagpo-protestang miyembro ng Philippine Airlines Employees Association (PALEA) at mga hindi kilalang kalalakihan kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.

Nabatid na alas-6:20 ng umaga nang mamatay sanhi ng atake sa puso si Arvin Macalalad, tinatayang nasa pagitan ng 50 hanggang 55-taong gulang, nang maipit sa kaguluhan na ikinasugat din ng walong miyembro ng PALEA.

Naghihintay umano ng masasakyan si Macalalad pasado dakong alas-5:30 ng madaling araw sa kanto ng MIA Road at Baltao Road nang sugurin ng may 50-kalalakihan na naka-helmet at may mga dalang pamalo ang mga nagpo-protestang miyembro ng PALEA at pinaghahataw ang mga raliyista upang paalisin sa harap ng In-flight Center ng Philippine Airlines.

Kabilang sa mga sugatang miyembro ng PALEA sina Ronald Salazar, ang camp manager ng PALEA, Pablito Leonardo, Rosman Eraurza, Lover Manibo, Noel Penetrante, Tranquilino Simplicio, Jr., Froilan Tancinco at Ester Gonzaga na pawang isinugod sa San Juan De Dios Hospital.

Lumabas sa imbestigasyon ni PO3 Dennis Desalisa ng Investigation Section ng Pasay Police na bago nagsimula ang gulo, hinarang umano ng mga raliyista ang isang catering truck ng PAL na palabas ng In-flight center, hinagisan ng spike ang gulong at nagsunog ng uri ng kemikal na nalanghap ng security guard na si Russel Tiongson na naging dahilan upang isugod siya sa pagamutan.

Pasado alas-5 ng madaling araw nang biglang lusubin ng may 5 armado ng pamalong kalalakihan na sakay ng isang bus na walang plaka ang mga raliyista. Nanlaban ang mga miyembro ng PALEA hanggang sa masukol nila ang isang Johnny Dela Cruz na umano’y umamin na inupahan sila ng pamunuan ng PAL upang sugurin ang mga nagpo-protesta.

Sinampahan ng kasong physical injury, malicious mischief at robbery si Dela Cruz sa Pasay City Prosecutors Office  matapos mawala umano ang bracelet at relos ng ilang mga nagpo-protesta nang mangyari ang paglusob.

Ikinaila naman ng PAL management na inupahan nila ang mga grupo ng kalalakihan at nagbanta na sasampahan ng kasong libelo ang PALEA dahil sa malisyosong akusasyon.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply