Dapat maging totoo ang gobyerno

NAKAALIS na ang bagyong Pedring at Quiel  ngunit bakas pa rin sa nasalanta nating mga kababayan ang iniwan nilang problema.

Diyan sa Bulacan, Pampanga at maging sa ilang  karatig na probinsya, hindi pa natatapos ang pahirap sa mga biktima ng baha.

Habang sinusulat natin ito ay nananatili ang paghihintay ng mga flood victim kung kailan huhupa ang baha sa kanilang lugar.

Dahil sa dami ng naapektuhan at laki ng pinsalang dulot nina Pedring at Quiel, maraming lugar ang nag-declare ng state of calamity.

Ang State of Calamity  ay idinedeklara para sa legal na pagpapalabas ng pondo ng isang bayan o lungsod na isinailalim sa kalamidad.

Ang pondo ay gagamitin bilang assistance sa calamity victims o kaya’y sa rehabilitation ng  nasirang pampublikong kagamitan.

Hindi natin kinukuwestiyon ang  mga lider  ng bayan o lungsod sa kanilang pamamaraan sa paggastos sa nakuhang calamity funds.

Pero paalala lang…sana’y maging totoo sila sa idedeklalarang mga biktima kuno) ng baha na kanila (raw) tutulungan.

Pinatunayan na kasi ng nakaraan na imbes na sa mga biktima dumiretso, ito’y ‘di nangyari dahil sa bulsa ng iba napunta ang pondo.

Ganundin sa pagawaing mga pampublikong ari-arian, tulad ng eskuwelahan, kalsada at iba pang nasira ng nakaraang mga unos.

‘Di sa pagpapagawa sa mga ito nagamit ang inilaan na pondo ng kalamidad kundi ibinulsa ng tiwaling government officials.

At kung may nagawa man, siguradong ‘di nagamit ang kabuuan ng pondo, dahil kinulimbat ng mga tusong opisyales ng gobyerno ang bahagi nito.

‘Di man aminin – at siguradong ‘di nila aaminin, pero ang sinasabi natin ay katotohanan – yan ay kalakaran nang matagal sa gobyerno.

Sa dami ng nagdeklarang bayan at lungsod ng state of calamity, aba’y daang milyon  ang ilalabas na pera ni Mang Juan.

Sa pagkakataong ito, hiling natin – sana nama’y maghunos-dili ang mga lider ng mga lugar na idineklara na nasa ilalim ng kalamidad.

Sana’y, ang pondong inilaan ay mapunta sa dapat kalagyan.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply