Dirty Harry tuloy sa pagwawalis

ANO na ang nangyari sa kautusan sa mga taxi operator at taxi driver na magpakabit ng de-resibong metro para maisyuhan ang mga pasahero kasunod ng pagkakaloob ng P40.00 flag-down rate?

Tila nagkagoyoan na sa isyung ito! Walang iniisyung tiket pero tuloy ang implementasyon ng P40.00 flag-down rate.

Sa ilang napagtanungang taxi driver ng Huli ‘Yan, bukod anya sa nag-mamadali ang ilang pasahero ay tanging sa tanggapan lang ng Land Transportation Franchising Regulatory Board makabibili ng paper tape na isang malaking kaabalahan sa mga tsuper.

Sino kaya sa tauhan ng naturang ahensya at tauhan na rin ni PNoy, kung mayroon man, ang nakikinabang sa pinagdududahang pinagkakakitaang ito?

o0o

KASUNOD ng paglilinis ni Manila Mayor Alfredo Lim, sa pakikipagtulungan ni Ronnie Ricketts ng Optical Media Board, ay nabawasan kundi man tuluyang natigil ang bentahan ng piniratang DVD sa Maynila.

Ngayon naman ay isinusunod ni Dirty Harry ang mga tindero at tindera ng mga gamot at halamang-ugat na diumano’y pampalaglag sa sinapupunan ng mga nagdadalang-tao sa lugar na naka-paligid sa Simbahan ng Quiapo, na sinusunod naman ng mga vendor.

Totoo na kapag “pakiusap” at kamay na bakal ang ipinairal ng City Hall ay naipasusunod pala ang kautusan. Sana naman sa ibang mga lungsod at munisipalidad na may mga katulad na problema ay tularan nila ang adhikain at gawa ni Mayor Lim!

o0o

NAGBALIK na pala si ex-senator at ex-Laguna governor Jose D. Lina sa dati niyang posisyon sa makasaysayang hotel ng Maynila — ang Manila Hotel sa Luneta Park bilang presidente sa kagandang-loob ni Chairman Emilio Yap.

Malugod naman siyang tinanggap ng mga department head at mga empleyado ng hotel sa kanyang pagbabalik. Inaasahang muling sisigla ang Manila Hotel, maliban nga lang na hindi muna maririnig at mapanonood ang tatlong tenor na sina Lina, dating MMDA chair Bayani Fernando at ang dating Department of Energy big boss na naging Defense secretary Angie Reyes na batid ng lahat na pumanaw na noong unang bahagi ng taon.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply