Diyos at tao galit na sa ‘di pag-aksyon ng gobyerno

NAGAGALIT na ang Diyos sa sunod-sunod na krimen at masaker na nagaganap sa  kanyang parokya.

May robbery-holdup sa 3 jewelry stores; nilimas ng walong armadong lalaki ang lahat ng mga alahas ng tindahan; isang security guard ang napatay at maraming nasugatan nang maghagis ng granada ang tumatakas na mga salarin; isang empleyado ng Makati Social Welfare Department ang binaril at pinatay sa loob mismo ng sasakyan.

Isa namang negosyante sa Quezon City ang nilooban at nakuhanan ng halagang 3 milyong piso at mahalagang kagamitan; isang Indian trader at dating pulis ang pinatay sa boundary ng Maynila at Quezon City; isang 18 taong gulang na lalaki ang pinatay ng pusakal na motorcycle riders sa hindi pagkakaintindihan sa trapik; isang University of the Philippines hostel worker na babae ang hinoldap, ginahasa at malupit na pinatay.

Sa mga lalawigan ng Masbate, La Union, Laguna at sa ilang lugar sa Mindanao ay laganap ang mga patayan at masaker ng buong pamilya.

Huling biktima ang paring Italyano na si Fr. Faustino Tentorio na walang awang binaril at pinatay sa loob mismo ng isang parokya sa North Cotabato.

Kamakailan lamang, sumalakay na naman ang motorcycle-riding-in-tandem at pinatay ang PUP Vice President for Administration Augustus Cezar, malapit sa Polytechnic University of the Philippines na kanyang pinaglilingkuran, at isang scholar ng DOST – Department of Science and Technology, si Given  Grace Cebanico, 19 na taong gulang ang hinoldap, pinatay at pinagsamantalahan sa bakuran ng UP Los Baños, Laguna.

Sa karumal-dumal at pangit na larawang ito sa parokya at pamayanan ng mga tao – may katwiran na magalit ang Diyos.

May dahilan ding magkimkim ng poot at galit ang bayan sapagkat, hanggang ngayon – hanggang ngayon ay wala pa tayong nakikita na seryosong aksyon ng gobyerno upang sugpuin ang laganap na mga patayan at karahasan sa ating paligid.

Ano ba talaga ang nangyayari sa ating bansa?

Galit na ang Diyos at tao – patuloy pa rin ang away at hindi pagkakasundo ng mga pulitiko at opisyal ng gobyerno.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply