Double-double ni Santos tinapatan ni Espinas

HUMARABAS muli si Boosters forward Arwind Santos ng double-double subalit tinapatan naman ni Bolts forward Gabby Espinas ang nasabing performance upang dunginasan ng Meralco ang erstwhile leader Petron sa PBA Philippine Cup na ginanap sa Big Dome Araneta Coliseum kagabi (Oktubre 23).

Alas ng Boosters si Santos dahil sa unang tatlong laro nila ay tumikada ito ng double-double upang igiya ang malinis na karta ng kanyang koponan.

Kumana si Santos ng 17 puntos, 13 rebounds at three blocks subalit natalo pa rin ang Petron Blaze sa Meralco, 70-80 kagabi dahil sinabayan ni Espinas ang magandang laro ng una matapos sumalpak ng 14 points, 12 boards at two assists.

Lumagpak sa second to fourth places ang Boosters na may 3-1 win-loss card habang umakyat at nagso-solo na sa panglimang puwesto ang Bolts na may 3-2 record.

Samantala, kahit galing sa apat na larong pagliban dahil sa injury sa kanang tuhod, nakuha pa ring mangalabaw upang mag-top score sa Bolts si Solomon Mercado na tumikada ng 16 puntos, five boards at four assists.

Inangkin naman ng Rain or Shine Elasto Painters ang solo top spot matapos nilang ibaon ang wala pang panalong Alaska Aces, 120-84 sa second game.

Pininta ng RoS ang 4-1 panalo-talo karta habang bokya pa rin sa apat na salang ang Aces.

Kahit hindi gumawa ng husto sa opensa si No. 2 overall draft pick Paul Lee ay nakuha pa ring tambakan ang napapanis na Alaska dahil apat na player sa Elasto Painter ang bumira ng double figure sa puntos.

Umariba ng 20 points si Jeff Chan na halos lahat ay kinuha sa three-point shooting, (6-of-10) at sinamahan pa ng limang assists.

Tumulong ng 19 markers at walong rebounds si JR Quinahan, may 17 points si Ronjay Buenafe at 16 si Larry Rodriguez para sa RoS.

Nasayang naman ang 20 markers na binira ni LA Tenorio para sa Aces.

Sa Miyerkules (Oktubre 26) sasandalan ng Barangay Ginebra Kings ang kanilang momentum laban sa wala pa ring panalong Shopinas Clickers sa alas-7:30 ng gabi habang sa unang sultada ay maghaharap ang Powerade at B-Meg.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply