Enrile vs Bartolome at pambayad sa utang

NAKASUBSOB sa baha ng kalamidad ang bansa dahil sa nagdaang mga bagyong Pedring at Quiel.

At maaaring hindi pa nakababangon ang mahal kong Pinas mula sa mga bagyo at bahang ito, anomang araw ay muli tayong masusubsob.

Ito’y sa harap ng paghahayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na may dara-ting pang apat hanggang anim na mga bagyo at si-yempre, baha na rin.

MAGKAKAIBA NA PANINIWALA

Dahil sa kinahaharap nating sitwasyong emergency, normal na matataranta ang lahat.

Hindi tayo pupuwedeng magrelaks,magpabandying-bandying at kung ano-ano pa.

Lalo na sa harap ng labis na kakapusan para sa mga programang pangkaligtasan.

Kinakailangan natin ang mabilis na pagkilos para magligtas ng maraming buhay, mapakain ang mga nagugutom, mapainom ang mga nauuhaw, madamitan ang mga nahuhubaran at mabigyan ng masisilungan ang mga nawawasakan ng mga tahanan.

Dito na nagaganap ang maraming kiskisan hindi lang sa bahagi ng mga mamamayan kundi maging sa hanay ng mga awtoridad.

MANONG JOHNNY VS MANONG NICK

Nakita ang kiskisan para sa public service sa panahon ng kalamidad na ito sa pagitan nina Senador Juan Ponce Enrile at PNP chief General Nick Bartolome.

Sa kasagsagan ng  baha at libo-libo ang nasa gitna ng panganib, napatunayang kapos na kapos ang mga tauhan ng pamahalaan sa gawain nilang search, rescue at relief operations.

Iminungkahi ni Manong Johnny ang paggamit ng mga binabalot ng anomalya na rubber boat, kasama na ang mga helicopter.

Kinontra ito ni Manong Nick sa pagsasabing hindi pupuwedeng galawin ang mga ito dahil nakatago ang mga ito bilang ebidensiya sa kaso.

LIGAL NA USAPIN VS BUHAY

Kung kayo ang matanong, mga Bro, ano sa palagay ninyo ang dapat na gawin ng mga awtoridad?

Panatilihing nakatago ang mga gamit para sa pagliligtas ng buhay o ilabas at gamitin ang mga ito?

Alin ang mas mahalaga: pagsunod sa itinatadhana ng batas sa hukuman o pagsunod sa batas para sa kaligtasan ng mamamayan?

Sinabi ni Manong Nick na maganda ang intensyon ni Manong Johnny pero hindi uubrang gamitin nito ang mga ebidensiya sa kaso.

Tama ba o mali ang katwirang ito?

Kung idaan ito sa halalan at kandidato para maging Pangulo sina Enrile at Bartolome, sino sa dalawa, mga Bro, ang inyong iboboto?

DAMBUHALANG UTANG

Isa pa sa mga problemang kinahaharap ng pamahalaan ang agawan ng pondo sa pagitan ng pambayad-utang at pambangon sa nakakalamidad na mamamayan.

Sinasaklaw ng automatic appropriations law o batas sa awtomatikong pagbabayad ng utang ang napakalaking bahagi ng ating pambansang budget.

Halos kalahati ng P1.6 trilyon pambansang budget ang inilalaan bilang pambayad sa utang.

Dahil dito, mga Bro, sinasabing kinakapos ang pamahalaan ng anomang pondo na pambangon sa nalugmok na biktima ng mga kalamidad.

Wala pang nakaaalam sa eksaktong damages o kasiraan mula sa bagyo at baha pero inaasahang napakalaki nito.

Sa katunayan, bilyon-bilyon na ang halaga ng mga nasirang ari-arian.

UTANG VS KALAMIDAD

Nahaharap ngayon sa problema ang gobyerno.

Uunahin ba nitong bayaran ang utang bago ang pagbangon sa mga naghihingalong biktima ng kalamidad?

Natatakot ang mga nasa pamahalaan na baka hindi na tayo makauutang muli kung hindi tayo magbabayad ng utang, lalo na sa mga dayuhan.

Sapat bang dahilan ito para unahing bayaran ang mga utang kaysa kanlungin at bigyan ng pagkakataon na bumangon ang milyon-milyong mamamayan na nalulublob at naghihingalo sa hirap?

Kayo, mga Bro, ano ang dapat ninyong itapik sa mga opisyal ng pamahalaan na kanilang maging desisyon?

Gusto niyo bang tapyasan nila ang pambayad sa utang upang i-divert ang pondo para sa rehabilitasyon ng buhay ng milyon-milyong biktima?

P800B PONDO PARA SA PPP

Sa kabilang banda, may naniniwalang hindi totoo na walang pondo para sa kalamidad na nasa labas ng calamity fund ng pamahalaan.

Hindi ba naglaan sa taong ito at sa darating na mga taon ang pamahalaan ni Kagalang-galang PNoy ng P800 bilyon para sa sinasabi nitong Public-Private

Partnership?

Kung nakaiisip ang Pangulo na maglaan ng napakalaking pondo para sa negosyo ng mga big timer sa government projects, hindi tayo naniniwala na wala itong maisip na mapagkukunan ng pondo para sa mga kinakalamidad.

Kung totoo naman na sumusuko na ang gobyerno sa paghahanap at paglalaan ng pondo laban sa kalamidad, aba, labis nang kainutilan yan.

At hindi magandang tingnan na mayroong pondo para sa mayayaman ngunit wala para sa nakararaming mahihirap na nasasalanta ng bagyo at baha.

PORK BARREL

Naalaala tuloy natin ang mga pork barrel ng Malakanyang at yung mga nasa Kongreso.

Hindi ba pupuwedeng tumapyas diyan ng pondo para sa mga biktima ng kalamidad o para lamang sa bulsa ng mga honorable yan?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply