Ethics case ipinasasampa vs Rep. Iggy Arroyo

HINIKAYAT ni Sen. Teofisto Guingona III ang liderato ng Mababang Kapulungan o “sinuman” na kasuhan si Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy” Arroyo sa House committee on ethics sa pakikialam nito sa isinagawang imbestigasyon sa maanomalyang bentahan ng helicopter sa Philippine National Police (PNP).

Sa panayam bago tumulak patungong Office of the Ombudsman upang isampa ang kasong graft laban kay dating First Gentleman Mike Arroyo at 18 pang kasalukuyan at dating opisyal ng PNP, sinabi ni Guingona na puwedeng kasuhan si Rep. Arroyo sa ethics committee.

Sinabi pa ni Guingona na hindi isinali sa kinasuhan si Rep. Arroyo sa kabila nang nakitang may pananagutang kriminal ang kinatawan ng Negros Occidental ay ipinaubaya na nila sa Ombudsman kung anong batas ang nilabag nito.

“We do definitely find criminal liability with Iggy Arroyo. We just leave it up to the Ombudsman to determine the specific law that Iggy violated,” ayon kay Guingona.

Pero, sinabi naman ni Guingona na maaaring kasuhan si Rep. Arroyo sa House ethics committee sa pakikialam nito sa iniimbestigahang anomalya.

“Yes, puwede. Anybody can file a case,” ayon kay Guingona.

Ngunit, ayaw naman magbigay ng komento si Guingona sa iba pang kasong puwedeng kaharapin ni Arroyo tulad ng conduct unbecoming pero nakatitiyak siyang dapat na ethics case ang maisampa sa kinatawan ng Negros Occidental.

“I’d rather not comment on that. Sa House you mean? Some misconduct maybe but definitely what’s important is yes, somebody can file a case in the House of Representative in the ethics committee,” giit ni Guingona.

Sa kasagsagan ng imbestigasyon ng Blue Ribbon noong Agosto 16, 2011, ipinalabas ng abogado ni Arroyo sa media ang sinasabing lease agreement ng Lion Air, Inc., at LTA Inc., hinggil sa inarkilang helicopter noong 2004 ng kompanya ng pamilya nito.

Inimbitahan naman ng Senado si Rep. Arroyo upang dumalo sa pagdinig ng komite sa maanomalyang bentahan ng lumang helicopter sa PNP, ngunit nabigong dumalo ang kinatawan dahil nagpapagamot ito sa abroad.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply