EVAT pahirap at respondeng itlog lang ang dala

DAPAT na ituring ng pamahalaan na araw ng giyera ang panahon ng kalamidad.

Hanapin at gamitin ng pamahalaan ang lahat ng tao nito, kasama na ang mga gamit at pondo na mayroon ito.

Pero hindi ito nangyari.

Tingnan ninyo, hanggang ngayon na wala nang bagyo at humuhupa na ang baha, hindi pa ring maabot-abot ng pamahalaan ang maraming lugar upang iligtas sa gutom, kahirapan at kamatayan ang mamamayang sinalanta ng bagyo at baha.

Nangyayari ito sa ilang lugar sa Bulacan, Pampanda, Cordillera, Aurora at iba pang mga lugar.

KAPOS SA RUBBER BOAT

Paliwanag ng mga may kontrol sa mga rubber boat, ikinalat nila ang mga bangkang goma sa iba’t ibang lalawigan bago pa dumating ang bagyong Pedring.

Pero nang dumating ang bagyo at baha, lumabas na parang iisang karayom sa bundok na dayami ang mga rubber boat.

Kaya naman sa bubong na lang ng mga bahay tumakbo ang libo-libong residente para makaligtas sa kamatayan mula sa baha.

MAANOMALYANG RUBBER BOAT

Maraming rubber boat ngunit nakararami yata ang nakatago sa bodega dahil sa bahagi umano ang mga ito ng kasong katiwalian na kinasasangkutan ng PNP.

Nagsisilbi umanong ebidensiya ang mga ito sa kasong korapsyon.

Sa gitna ng matinding panganib ng mamamayan sa baha, wala bang paraan para magamit ang mga ganitong kagamitan para sa pagliligtas?

Dapat na bumalangkas ang pamahalaan ng mga remedyo para magamit ang mga ganitong kagamitan sa oras ng panganib sa buhay ng mamamayan.

ITULAD SA MGA KASONG DROGA

Sa mga kasong droga, nagtitira lang ng sampol ang mga awtoridad bilang ebidensiya sa kaso at ang bulto ay kanilang sinusunog.

Ito’y makaraang maisumite nila sa mga hukuman ang mga kaukulang dokumento at iba pang kailangan para sa maging kapani-paniwala ang natitirang droga bilang ebidensiya.

Hindi ba pupuwedeng gawin ito sa mga rubber boat?

O baka naman mahina lang talaga ang kukote ng  mga bata ni Pangulong Noy na gumawa ng paraan?

NASAAN ANG HELICOPTER?

Isa pang gamit na mahalaga ay ang helicopter.

Nasaan ang mga helicopter ng gobyerno para magamit din sa mga gawaing pagliligtas?

Naging kapuna-puna ang kawalan ng mga ito sa kasagsagan ng paghiling ng tulong ng mga binabaha.

Ang mga helicopter ba ay para sa mga giyera lamang at para sa pandaraya sa halalan?

AMPHIBIAN TRUCK

Wala ring makitang amphibian truck na gamit ng mga taong pamahalaan.

Kabilang ito sa mga kritikal na gamit sa kalamidad gaya ng naranasan natin sa mga bagyong Pedring at Ondoy noon.

PUWERSA NAGING PAWANG INUTIL

Ang sabi ng mga KKK ni PNoy, libo-libo ang ikinalat nilang mga sundalo at pulis para alalayan ang mga biktima ng kalamidad.

Anak ng tokwa, paano makatutulong ang mga ito kung wala naman silang magagamit para iligtas ang mamamayan sa kamatayan at iba pang hindi magandang kalagayan?

“ITLOG” LANG ANG DALA

Hindi pupuwedeng yagbols lang ang dala-dala ng mga pulis, sundalo at iba
pang search and rescue teams ng pamahalaan.

Ang lahat ng ito ay dapat na may mga gamit gaya ng mga nauna na nating nabanggit.

Baka maisama naman sila sa binibilang ng mga punerarya na natatagpuang lumulutang na lamang sa baha.

TOLL AT VAT NAGING HARANG

Heto pa ang nakabubuwisit, mga Bro.

Akalain ba nating namamatay, nagugutom at naghihirap na nga ang mamamayan dahil sa kalamidad, ipinatong pa ang hayop na expanded value added tax sa sobrang mahal nang toll sa mga expressway!

Sa sumbong ng ating uzi, may nagbalak na maghatid ng tulong sa mga sinasalanta ng kalamidad sa Central Luzon.

Pero nabuwisit ang mga trucker sa sobrang mahal na toll at EVAT at hindi na lang nila itinuloy ang pagbiyahe ng mga tulong.

CHACHA SA KONGRESO

Puro kabuwisitan yata talaga ang nagaganap sa pamahalaan.

Akalain ba nating isinisingit ng mga honorable sa Kongreso ang Charter
Change sa kasagsagan ng bagyo at baha?

Nalulunod na ang mamamayan, nawawasak na ang kanilang mga tahanan, nagkakasakit na sila, nagugutom at nawawalan na ng kinabukasan ang mga ito, ito pang pagretoke ng Konstitusyon ang pinagkakaabalahan nila.

Ito ba ang pinakamabisang sagot sa kalamidad, kayong mga kongresman at senador?

Ano na ba talaga ang interes ng pamahalaan, ng mga nanunungkulan? sa impiyerno.

Kung ganito nang ganito ang nagaganap sa pamahalaan, hindi lang kalamidad ang ating aabutin.

Baka sa impiyerno na tayo tutungo niyan.

Kung doon gustong tumungo ang mga opisyal ng pamahalaan, dapat sila na lang ang tumakbo papunta roon.

Kung gusto nila, ihahatid pa natin sila roon.

Walang silbi ang mga opisyal ng pamahalaan na habang nagkakandamatay-matay at nagkakandahirap-hirap ang bayan ay ang kanilang mga interes lamang ang kanilang inaatupag.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply