FG et al, hahatulan ng Ombudsman sa loob ng 7 araw

ISANG linggo o katumbas ng pitong araw ang hiningi ng Office of the Ombudsman sa pag-aaral sa isinumiteng reklamo ng Senate blue ribbon committee laban kay dating First Gentleman Jose Miguel Arroyo, kaugnay sa kontrobersyal na helicopter deal.

Sa pulong balitaan, inihayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na bumuo na siya ng fact-finding team para humawak sa kaso.

“I have constituted a team to conduct a fact-finding investigation, composed of a special prosecutor and a director. I gave them seven days to wind up a fact-finding investigation or by Friday,” ayon sa opisyal.

Kahapon, Oktubre 13 nang isampa ng ilang senador sa Office of the Ombudsman ang kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kina First Gentleman Mike Arroyo, dating DILG Sec. Ronaldo Puno, dating PNP chief Jesus Verzosa at 16 na iba pang dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine National Police (PNP) at National Police Commission (Napolcom), na may kaugnayan sa kontrobersiyal na pagbili ng PNP ng dalawang lumang helicopters, pero binayaran sa presyong brand new na pag-aari ng pamilya Arroyo.

Mismong personal na naghain ng kaso ay sina Sen. Teofisto Guingona III, Sen. Panfilo Lacson at Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III na pawang mga miyembro ng Senate blue ribbon committee.

Kasabay nito, muli namang binigyang katiyakan ni Morales na lalo pa nitong paiigtingin ang kampaniya laban sa mga katiwalian.

Pursigido umano ang Ombudsman na habulin ang mga malalaking isda na sangkot sa mga kaso ng korapsyon.

Bagama’t aminadong mahabang panahon ang kailangan, tiwala ang opisyal na magbabago rin ang pananaw ng publiko sa Ombudsman.

“The Ombudsman should not be satisfied in catching the small fish. It must go after the school of big fish lurking in government offices and in so doing, it needs a bigger net or a wider angle in approaching the focus of the target,” giit ng Morales. 

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply