Finish Line para kay Simoncelli

MARAMI ang nagluluksa sa pagpanaw ng Italian MotoGP star na si Marco Simoncelli matapos nitong maaksidente sa Sepang International Circuit noong nakaraang Linggo.

Labis ang natamong critical injuries ng binata matapos nitong mawalan ng control sa kanyang motorsiklo sa ika-11 turn ng Race 2 at tuluyang naipit sa pagitan nina Colin Edwards at Valentino Rossi.

Natanggal ang helmet ni Simoncelli sa karambola ng tatlo at nalaglag mula sa kanyang motorsiklo habang sina Edwards at Rossi ay nalihis mula sa track.

Si Simoncelli ay ipinanganak noong ika-20 ng Enero taong 1987 sa bayan ng Cattolica, Italy.
Nagsimula si Simoncelli ng kanyang pangangarera taong 1996 sa Italian Minimoto Championship, at sa magkasunod na taong 1999 at 2000, isang back-to-back championship title ang naiuwi niya mula sa nasabing karera.

Back-to-back titles rin ang nakamit ni Simoncelli sa pagitan ng taong 2001-2002: Rookie of the Year para sa Italian 125cc Championship (2001) at Kampeon naman para sa European 125cc Championship (2002).

Unang sumabak sa karera ng MotoGP si Simoncelli noong 2002, bilang rider ng koponan ng Aprilia para sa 125 cc World Championships. Ang Brno Circuit sa Czech Republic ang nagsilbing unang “entablado” ng binata para sa kanyang MotoGP career.

Pamula sa pagiging rider number 37, naging number 58 na si Simoncelli nang lumipat ito sa Matteoni Racing Team taong 2003; ang karera ng taong iyon ay ang nagsilbi ring kauna-unahang full season ng binata sa 125cc championships ng MotoGP.

Nakamit naman niya ang kanyang kauna-unahang MotoGP pole position noong 2004 sa Spanish Grand Prix na ginanap sa Circuito Permanente de Jerez. Kumakarera noon si Simocelli sa ilalim ng koponan ng Rauch-Bravo WorldwideRace.

Tinapos ni Simoncelli ang ika-57 season ng FIM Grand Prix Motorcycle Racing bilang panlima sa overall standings ng 125cc championships, na siyang nagbigay-parangal sa kanyang koponan na Nocable.it Race-Aprilia.

Tatlong taon namang kumarera si Simoncelli sa kategorya ng 250cc championships. Nakamit niya ang kanyang unang 250cc pole position sa Mugello round ng 2008 MotoGP. Gamit ang kanyang pamosong motorsiklong “Gilera” at matapos rin ang sunod-sunod na podium finish, siya ang nakapag-uwi ng kampeonato para sa 250cc championships nang taong iyon.

Taong 2009, nang opisyal siyang kunin ng San Carlo Gresini Honda team bilang isa sa kanilang mga rider para sa 2010 MotoGP. Nakakuha ng 125 total points ang binata at umabot pa sa top 10 (8th placer) sa overall standings ng 2010 MotoGP.

Nang magsimula ang MotoGP ngayong taong ito, marami ang nag-abang sa galing na ipamamalas ng 24 años na Italyano. Katunayan, naging kontrobersyal ang Le Mans round para sa binata dahil nakatanggap ito ng ride-through penalty, matapos siyang pagbintangan sa pagkakahulog ni Dani Pedrosa na naging resulta ng kanilang gitgitan.

Ang pagkakasungkit ni Simoncelli sa ikalawang pwesto sa Australian GP noong nakaraang Oktubre 16 ay ang kanyang best finish sa MotoGP ngayong taong ito.

Dumagsa ang libu-libong tao, kabilang na ang international media, mga fans, supporters, kaibigan, pamilya at mga kasama ni Simoncelli sa MotoGP sa kanyang libing noong nakaraang Huwebes sa hometown nito sa Coriano, Italy.

Itinuturing na isang superstar si Simoncelli, sa loob o labas man ng racetrack. Ayon sa kaibigan niyang si Valentino Rossi, si “Sic” raw ay palaban sa loob ng racetrack, ngunit sa personal raw ay masiyahin at madaling lapitan.

Samantala, naglabas na ng opisyal na pahayag ang San Carlo Gresini Honda team na hindi na lalahok ang kanilang mga rider sa huling round ng 2011 MotoGP na gaganapin sa Valencia, Spain, ngunit bilang tribute kay Simoncelli, ay itatayo pa rin nila ang kanilang team pit box kung saan iddisplay nila ang Honda RC212V ng Italyano na may nakalagay na numerong 58.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply