Food summit solusyon sa food crisis– obispo

IMINUNGKAHI ng isang obispo sa pamahalaan na magdaos ng “food summit” na magiging solusyon umano sa pinangangambahang food crisis o food riots sa taong 2012 bunsod ng mataas na presyo ng pagkain sa bansa.

Ito ay kasunod ng babala ng Nestle, na itinuturing na pinakamalaking food company sa mundo, na posibleng magkaroon ng food riots sa Africa, Haiti at Pilipinas.

Ayon kay Caloocan Bishop Deogracias Iñiguez, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs (ECPA) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), dapat seryosohin ni Pangulong Benigno Aquino III ang naunang babala para pag-aralan at pag-usapan ng lahat ng sektor ng lipunan at mga ahensiya ng pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon at solusyon para sa bantang kakapusan ng pagkain dahil sa mga nagdaang bagyo at sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain.

“Pag-aralan yun at tumawag ng serious studies in order to assess the situation and to do what we can with our resources. Pag-usapan seriously those who are responsible and those who are capable of giving the right analysis and the right direction,” ani Iniguez sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Aniya pa, dapat na handa rin ang bansa na makipagtulungan sa ibang bansa para harapin ang posibleng pagkakaroon ng kakapusan sa pagkain.

Inihayag pa ng obispo na napapanahon nang magamit at malinang ng husto ng pamahalaan ang sektor ng agrikultura na matagal ng napababayaan upang maiwasan ang pagkakaroon ng kakapusan ng pagkain sa bansa.

Una nang inamin ni National Food Administration administrator Lito Banayo na aangkat na naman ng bigas ang Pilipinas sa ibang bansa para tugunan ang kakulangan ng supply nito.

Sinabi pa ni Banayo na kahit hindi sinalanta ng bagyo ang bansa ay talagang kapos o kulang ang produksiyon ng bigas kumpara sa pagkonsumo ng mga mamamayan.

Ayon naman sa CBCP official, kung maunlad lamang ang sektor ng agrikultura sa bansa ay hindi na nito kakailanganin pang umaangkat ng bigas sa ibang bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply