Fujiwara at Sucipto, ramdam na ang ARRC titles

ZHUHAI, CHINA — Flawless at unstoppable ang mga katagang ginamit ng mga nakapanood sa mga kampeonato ng Zhuhai round ng 2011 Petronas Asia Road Racing Championship na sina Katsuaki Fujiwara at Rafid Topan Sucipto, Linggo, Oktubre 16,

Swabe’ng swabe ang pagkakasungkit ni Fujiwara (Manual-Tech Beet Kawasaki Racing) sa titulo ng SuperSports600cc habang si Sucipto (Yamaha CKJ TJM Racing) naman, ay hindi napigilan sa pag-uwi ng Underbone 115c title, kahit na kagagaling pa lang ng kanyang injury sa balagat (collar bone).

Sa Race 1 ng SuperSports 600cc, ay nagpakitang-gilas na si Fujiwara, na tinapos ang 18 laps sa loob lamang ng 29:38.042s, animo’y at home na at home na sa Zhuhai International Circuit. Mas lalo namang naging mabangis ang Hapones pagadating ng Race 2, kung saan naging dikit ang labanan nila nina Zamri Baba, Chalermpol Polamai at Azlan Shah na mga kapwa determinadong makuha ang SuperSports 600cc title ng Zhuhai round.

Sa huli, namayagpag ang rider ng Manual-Tech Beet Kawasaki Racing na nagtala ng oras na 29:38:042s, na agad namang sinundan ni Polamai ng Yamaha Thailand Racing, at ni Baba ng Petronas Yamaha Malaysia sa ikatlo. Si Shah, ang rider ng Boon Siew Honda Racing Malaysia ang nasa ikaapat na pwesto at sa ikalima naman ay si Hafizh Syahrin Abdullah ng Petronas Syntium Moto Yamaha Racing.

Mirakulo naman, kung ituturing, ang Race 1 para sa 16-años na si Rafid Sucipto dahil bagamat nagsimula ito sa huli ng grid, nagawa nitong agawin ang chequered flag mula sa race leader na si Mohd Affendi Rosli (Harian Metro Y-TEQ SCK Honda racing), at tinapos ang karera sa loob ng 21:57.692s.

Nahamong muli ang binata sa Race 2, nang makaharap niyang muli ang kanyang inagawang si Rosli, na desididong maibalik ang kanyang posisyon. Mas lalo pang uminit ang karera ng makisama sa gitgitan sina Affendi, Race 1- 3rd placer na si Gupita Kresna, at si Hadi Wijaya.

Sa oras na 22:03.998s, nakuha ni Sucipto ang top podium spot, sumunod ang defending champ na si Wijaya at si Rosli naman sa ikatlo. Laglag sa ikaapat na pwesto si Kresna Md. Iskandar Radua ng Team Petronas Syntium Moto Yamaha AHM ang kumumpleto sa top 5.

Kapwa nangunguna na sa overall rider standings sina Fujiwara at Sucipto. Katunayan, isang puntos na lamang ang kinakailangan ni Sucipto bago hiranging kampeon sa Underbone 115cc ng karera ngayong taong ito. Ang koponan naman ni Fujiwara na Manual-Tech Beet  Kawasaki Racing, ay nangunguna na rin sa overall team standings, habang pumapangalawa naman ang Boon Siew Honda Racing Team ni Sucipto.

Samantala ang Team Suzuki Pilipinas rider na si Yusuke Teshima, na siyang pumalit sa ating yumaong pambansang rider na si Maico Buncio bilang opisyal na kinatawan ng ating bansa ay pumiwesto ng 11th place sa Race 1 at 12th place naman sa Race 2 ng Supersports 600cc. Kakulangan sa oras ng pananaliksik sa bagong makina ang naging rason upang hindi nakasali si John Lery Enriquez sa Underbone 115cc race. Hindi man tayo pinalad makapwesto ng maayos, itutuloy ang laban ng Team Suzuki Pilipinas sa susunod na karera!

Ang final race ng 2011 Asia Road Racing Championship ay gaganapin sa Disyembre sa Losail International Circuit, Qatar.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply