Gabinete kinalampag sa kalamidad

HINDI kailangan ang hands-on policy ni Pangulong Benigno Aquino III sa pagtugon sa kalamidad.

Ganito ang paniniwala ni Senate President Juan Ponce Enrile matapos batikusin ng ilang sektor ang Palasyo dahil hindi nakikita ang Pangulo sa pagtugon sa tuminding kalamidad sanhi ng pagragasa ng magkasunod na bagyo nitong nakaraang linggo.

Ayon kay Enrile, responsibilidad ng mga miyembro ng Gabinete na kumilos sa mga ganitong sitwasyon.

“Bakit ang Presidente ang tinutukoy natin eh nandiyan naman ang kanyang Cabinet members.  Ano ang ginagawa nila natutulog? Ano ba yang mga yan, mga senyorito sa kanilang opisina? Kaya sila nandyan ay para sila ang malunod kung kailangang may malunod,” giit ni Enrile.

Sinabi pa ni Enrile na hindi dapat gawin na isang malaking isyu ang pangyayaring hindi nakikita ang Pangulo sa sitwasyon ng kalamidad dahil marami namang ahensiya na inaatasan ng batas na gumanap ng tungkulin na tutugon sa ganitong sitwasyon.

Inihalimbawa ni Enrile si Defense Secretary Voltaire Gazmin na siyang chairman ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) na siyang may tungkulin na dapat umasikaso tuwing kalamidad.

“Hindi natin alam kung ano ginagawa (ni Gazmin) baka naman may ginagawa yung tao, he directs the civil defense. May bureau under the secretary of national defense. May bureau ‘yan national disaster control center na nasa ilalim nya,” ayon kay Enrile.

“You  do not have to be visible kung ayaw mo. Alam mo ‘yung iba dyan kaagad agad pag may  sakuna etc. titindig na dyan at papalitratuhan, may iba-iba kalidad ng ugali ng Cabinet members, may iba ‘di mahilig sa publicity,” giit pa ni Enrile.

Kaya ikinatuwiran ni Enrile na hindi dapat hanapin ng taumbayan si Pangulong Aquino sa ganitong sitwasyon dahil tao din naman ang Chief Executive na napapagod din at kailangan magpahinga.

“Tao lang ‘yun Pangulo eh, Papatayin mo ‘yung Presidente kung araw-araw siya magta-trbaho sa tungkulin ng Cabinet members. Kaya nga sila sinusuwelduhan, binibigyan ng transportation allowance para sila kumilos,” patapos ni Enrile. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply