Ghost employee pinalulusaw sa DBM

INATASAN ni Sen. Aquilino Pimentel III ang Department of Budget and Management (DBM) na tuluyan nang lusawin ang lahat ng ghost employees sa gobyerno partikular sa militar at pulisya.

Ayon kay Pimentel, kailangan nang magkaroon ng tunay na pagtutuos sa bilang ng empleyado sa gobyerno upang makatipid ang pamahalaan sa gastusin.

“Kailangan nang palawakin ng DBM ang pagtutukoy sa unfilled positions upang tuluyan nang mabura ang mga ghost employees sa pamahalaan kabilang ang mga posisyon na napunan sa papel lamang,” ayon kay Pimenel.

“Dapat kasalukuyan ang imbentaryo ng tauhan ng gobyerno, hindi luma,” giit pa ng senador.

Sinabi ni Pimentel na mahalagang may patakaran sa regular, taunang pagbibilang ng lahat ng posisyon sa gobyerno na kasalukuyan at aktuwal na may nakaupo.

“Malaki ang maitutulong ng regular accounting sa bilang ng tauhan ng gobyerno sa bawat tanggapan sa DBM na makapagsumite ng tumpak na panukalang badyet sa susunod na taon,” paliwanag pa niya.

Bawat taon, may pangyayari na nababakante ang napunan na posisyon sanhi ng pagkakatanggal, pagbibitiw o pagkamatay sa pagtupad ng tungkulin sa kaso ng militar at pulisya,  paliwanag ni Pimentel.

Mahalaga aniya na kaagad maiulat ng partikular na tanggapan ng gobyerno ang unfilled position sa kasalukuyang taon upang mailagay ito sa panukalang badyet sa susunod na taon.

“Kung hindi napunan ang posisyon, walang dahilan kung bakit kailangan pondohan ito,” aniya.

Ayon kay Pimentel, suportado niya ang DBM na pigilin ang pagpapalabas ng pondo sa mga ahensiya na may unfilled positions.

Naniniwala si Pimentel na kumikilos lamang nang tama ang DBM sa mahusay na pamamahala ng kaban ng bayan na hindi lamang makatitipid sa kakarampot na pondo ng gobyerno, mapipigilan pa nito ang paglulustay ng salapi.

Aniya, kung ititigil ang kalakaran sa pagpondo ng unfilled position, maiiwasan ng gobyerno ang pagkilos na posibleng paglilipat ng podo, diversion at kahit katiwalian.

“The DBM’s move is an important step towards figuring out an accurate count of the total number of government personnel,” ayon sa senador.

Idinagdag pa ni Pimentel na dapat hindi lamang sa executive department ipatupad ang pagpigil ng pondo sa unfilled positions, kundi maging sa ahensiya o lupon na may ipinaiiral na fiscal autonomy.

“Kung hindi, itinataguyod pa natin ang paglulustay ng pondo sa ngalan ng fiscal autonomy,” patapos ng senador. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply