Gloria Arroyo patuloy sa pagpayat – Lambino

WALANG ganag kumain at patuloy na nangangayayat si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Representative Gloria Macapagal-Arroyo mula nang isailalim sa maselang operasyon sa kanyang cervical spine sa St. Lukes Medical Center sa Taguig City.

Ito ang kinumpirma ng kanyang abogadong si Atty. Raul Lambino, matapos silang magkita may limang araw na ang nakararaan sa bahay ng dating pangulo.

Dahil dito, labis umanong nababahala ang mga miyembro ng pamilya ng dating pangulo, pati na ang kanyang malalapit na kaibigan dahil posibleng magdulot ito ng paghina ng kanyang immune system.

Ayon pa sa abogado, wala namang bawal na pagkain kay Gng. Arroyo lalo na’t inabisuhan siya ng kanyang mga doktor na kumain ng mga pagkaing masustansiya sa potassium, magnesium at calcium upang lumakas ang kanyang mga buto at pangangatawan subalit mismong ang dating pangulo ang wala umanong gana.

Sinabi ni Lambino na sa oras na humina ang immune system ni Gng. Arroyo, madali siyang magkaroon ng iba pang uri ng sakit tulad ng ubo, sipon o lagnat na makakaapekto ng labis sa kanyang kalusugan.

Magugunita na lumabas ng naturang pagamutan si Gng. Arroyo noong Setyembe 3 matapos ang ikatlong ulit na operasyon sa buto sa leeg at mula noon ay hindi pa umano tinatanggal ang halo vest na inilagay sa kanyang leeg.

Kinumpirma rin ni Lambino na inuudyukan na si Gng. Arroyo ng miyembro ng kanyang pamilya at malalapit na kaalyado na magpagamot sa mga dalubhasang doctor sa ibang bansa subalit tinanggihan umano ng dating pangulo.

Masyado umanong sensitibo sa opinyon ng publiko si Gng. Arroyo kaya’t ayaw nitong isipin ng taumbayan na tinatakasan niya ang mga akusasyon at kasong pandarambong sa pamamagitan ng pagpapagamot sa ibang bansa.

May hinala ang abogado ni Gng. Arroyo na nakakaapekto sa pagbagsak ng kalusugan ng dating pangulo ang mga nababasa sa diyaryo at napapanood sa telebisyon kaugnay sa pagkakasangkot niya sa iba’t-ibang akusasyon ng katiwalian at pandaraya sa halalan noong taong 2004 at 2007.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply