GMA ‘di muna magpapagamot sa ibang bansa

IPINAHAYAG ngayon ng abogado ni dating Pangulo at nagayo ay Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na wala pa rin itong plano na magpagamot sa ibang bansa.

Ayon kay Atty. Raul Lambino, ito ay kahit kaliwat kanan na ang payo kay Arroyo ng kanyang mga kaibigan na magpagamot na lamang sa ibang bansa dahil sa sakit sa cervical spine.

Sinabi ni Atty. Lambino, na malaki na ang ipinayat ng dating Pangulo dahil walang ganang kumain at nananatiling naka-neck brace matapos ang ilang ulit na operasyon sa gulugod.

Binigyang diin ni Lambino na isa sa mga dahilan kaya ayaw magpagamot sa ibang bansa si Arroyo ay dahil sensitibo ito sa opinyon ng publiko dahil tiyak na marami ang mag-iisip na kaya nais nitong umalis ng
bansa ay upang mataksa ang mga kasong nakasampa laban sa kanya.

Nananatiling nasa immigration watch list si Arroyo dahil sa anim na kasong plunder na kinakaharap.

Kaugnay nito walang nakikitang dahilan ang dalawang lider ng Kamara de Representante para pigilan kung sakaling naisin ni Arroyo na magpagamot sa ibang bansa.

Sinabi nina Speaker Feliciano Belmonte, Jr. at House Majority Leader Rep. Neptali Gonzales II, na karapatan ng dating Pangulo na tumanggap na pinakamahusay na atensiyong medikal.

Sinabi naman ni Gonzales na dapat maging mabilis ang pagtugon sa kalagayan ni Gng. Arroyo kung sadyang delikado ang kanyang kondisyon.

Samantala, payag rin ang Palasyo na magpasuri si Arroyo sa ibang bansa, ayon kay presidential spokesperson Edwin Lacierda, katulad ng pagpayag noon ni dating Pangulong Ferdinanad Marcos kay Sen. Ninoy Aquino, Jr. na magpagamot sa ibang bansa.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply