Gov. Pineda humiling palalilim ang Pampanga River

HINILING ni Pampanga Gov. Lilia Pineda sa Department of Public Works and Highways na palalimin na ang Pampanga river upang maibsan ang pagbabaha sa kanilang lugar.

Ayon sa gobernadora, kailangan nang pag-aralan ng DPWH ngayon kung bakit ilang araw matapos ang bagyong Pedring at Quiel ay lubog pa rin ang karamihan sa kanilang mga bayan.

“Talagang kailangan ngayon masusing pag-aaral ng Publics Works, ng national government…. Kasi ngayon mo dapat ia-assess, titigan nila DPWH ngayon ang pagbaba at pagtaas ng tubig. Ngayon talaga dapat trabahuhin,” ayon kay Gov. Pineda.

Dapat umanong palalimin ang ilog sa Pampanga dahil dito umaagos ang mga tubig galing sa Nueva Ecija, Aurora at maging ang sa Tarlac patungo sa Manila Bay.

“Ngayon mababaw nga talaga, kasi lahat naman ng tubig ng Nueva Ecija, Aurora, lahat na pati yung Tarlac, dyan lahat lumalabas, yung Pampanga river. Kaya natatambak samin, kasi kami ang pinto papunta doon sa Manila Bay,” dagdag pa ng gobernadora.

About admin

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply