Guro ‘pinagretiro’ ng mga hinihinalang holdaper

MAGRERETIRO na sana sa susunod na taon ang isang guro subalit binaril ito at napatay ng mga ‘di kilalalng lalaki na hinihinalang mga holdaper na pumapara ng mga dumadaan sa isang highway sa Negros Occidental.

Sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima na si Romeo Valle, 64, na isang guro sa Estado Elementary School kasama ang kanyang anak na babae na si Joy Mar, 24, isang empleyado ng isang drug rehabilitation center sa Victorias,at papauwi na ang mga ito nang parahin sila ng mga armadong kalalakihan sa may Hacienda Minoro, Barangay 10.

Hindi huminto si Valle bagkus ay nilagpasan niya ang mga ito at nagpatuloy sa pagmamaneho.

Ayon kay Supt. Alexander Munoz, OIC ng Victorias Police, pinaputukan ng mga armadong lalaki ang biktima at tinamaan ito sa likod maging ang anak na si Joy Mar ay tinamaan din sa kanyang likod ng bala.

Sa kabila ng tinamong sugat sinikap ni Valle na dalhin ang kanyang motorsiklo sa isang mataong lugar upang doon humingi ng saklolo.

Naitakbo ng mga residente ang mag-ama sa isang pribadong ospital sa Bacolod subalit ‘di na umabot ng buhay ang guro.

Ligtas naman ang anak na si Joy Mar ayon sa mga doktor.

Ayon pa kay Supt. Munoz, marahil ay hindi huminto ang biktima dahil may hinala itong mga holdaper ang mga kalalakihan kung saan marami nang kaso ng panghoholdap sa nabanggit na lugar. Ben Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply