Hapi si Rep. Rex Gatchalian

SIGURADO akong masaya sa mga panahong ito si Rep. Rex Gatchalian ng 1st District ng Valenzuela City.

Ang dahilan ng kasiyahan ni Gatchalian ay ang land mark win sa korte ng Hong Kong ng domestic helper na si Evangelina Banao Vallejos.

Para sa kaalaman ng mga hindi pa nakababatid, noong isang linggo ay idineklara ng High Court sa HK na iligal at labag sa konstitusyon ang pagbabawal sa mga domestic helper na makakuha ng permanent residency status sa nasabing teritoryo.

Sa ilalim kasi ng batas sa Hong Kong, maaring makakuha ng permamnent residency status ang sinomang dayuhan na tumira na doon ng tuloy-tuloy sa loob ng pitong taon.

Pero nakasaad din sa batas na hindi kwalipikado sa ganitong pribilehiyo ang mga dayuhang domestic helper, kaya iyon ang nilabanan ni Vallejos na naninirahan na sa HK simula pa noong 1986.

At dahil naipanalo niya ang kaso, malaking tagumpay ito sa marami pang mga DH sa HK na mabibigyan na rin ng permanent residency status matapos magtiyaga ng napakahabang panahon sa kategoryang “second class citizen”.

Pero hindi lamang ang mga DH sa HK ang nagdiriwang kundi maging ang mga opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Noynoy Aquino na nauna nang nagpahatid ng kanyang pagbati kay Vallejos.

Si Rep. Gatchalian naman ay nagagalak din dahil alam niyang nangangahulugan ito ng mas maraming pribilehiyo at mas magandang pagtrato para sa mga kababayan nating DH sa HK.

Bilang aktibong miyembro ng House Committee on Overseas Workers Affairs, kilala si Gatchalian na nangunguna sa pagtaguyod ng mga karapatan ng mga overseas Filipino worker.

Ang ilan sa mga panukala na isinusulong niya ay ang HB 1830 na kilala sa tawag na “The Migrant Workers Retirement Act of 2010” na naglalayong bigyan ng retirement benefits ang mga OFW.

Pursigido rin si Gatchalian sa pagsusulong ng batas na lilikha sa Overseas Workers Welfare Administration Charter at gusto rin niyang amyendahan ang R.A. 9189 na tinatawag ding Overseas Absentee Voting Law.

Sa madaling salita, hindi humihinto si Gatchalian sa paghahanap ng paraan upang mapagaan ang buhay ng migrant workers at ng mga mahal nila sa buhay.

Kaya nga nagagalak siya sa panalo ni Vallejos ay malaking tagumpay rin sa marami nating kababayan na may mga kamag-anak na nagtatrabaho sa HK.

Sa panig naman ni Gatchalian ay nangangako siya na sisiguruhin niya na ang mga programa ng pamahalaan para sa kapakanan ng OFWs ay maipatutupad at mabibigyan ng proteksyon.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply