Heinous crime at mataray na Pasay City Post Office

BAKIT kaya napakataray ang isang empleyado na nakatalaga sa record and inquiry section ng Pasay City Post Office?

Sa sumbong ng ating UZI, nakilala ang Ms. T as in Taray.

PAGONG NA PASAY POST OFFICE

Nagsimula ang problema sa makupad pa sa pagong na delivery ng isang package na galing sa abroad. Ipinadala sa pamamagitan ng eroplano ang package noon pang Setyembre 10, 2011 at dumating umano sa Pasay City Post Office ang package.

Pero nakapagtatakang Oktubre 25 na, eh, hindi pa nakararating ang padala sa taga-Pilipinas na recipient ng package.

8 ORAS NAGING SIYAM-SIYAM

Natural, Post Master General Josie dela Cruz, na magtanong ang recipient kung ano ang nangyayari.

Simula kasi nang lumipas ang walong araw na panahon ng delivery, nag-follow up na ang ating UZI.

Dati-rati naman kasi, walong araw lang ang itinatagal ng ganyang package.

Hinahabol ng recipient ng package ang chocolate na  kasama sa padala dahil baka kung ano na ang nangyari roon.

Pero ang pinakamahalaga, mga Bro, pangako nang pangako ang mga nasa Pasay Post Office na maide-deliver na ang package pero ang pangako ay napapako.

Ulit, natural na mangulit ang recipient.

Anak ng tokwa, sino ang hindi mangugulit diyan?

CUSTOMS ANG INGINUNGUSO

Bukod sa pagtataray, inginunguso ngayon ni Ms. Taray ang mga nasa Customs sa pagkabalam ng delivery ng package.

Noong una, gusto ng recipient na pumunta na lamang siya sa nasabing post office para personal niyang kukunin ang package.

Pero sabi ng ibang natawagan niya na bawal daw.

Ano?

RECIPIENT ISAMA SA PAGBUBUKAS

Hindi ba bawal ang pagbubukas ng package ng mga nasa post office at Bureau of Customs nang hindi kasama ang recipient o nagpadala kaya?

Kung hindi bubuksan ang package pupuwede namang idaan sa x-ray o ipaamoy kaya sa isang aso na marunong kumilatis ng kargamento na ipinagbabawal ng batas.

Ngayong may recipient na gustong pumunta sa post office para personal na kunin ang padala sa kanya, bakit sinasabi (hindi si Ms. Taray) na bawal?

Mayroon bang itinatago ang mga taga-Pasay Post Office?

In fairness to Ms. Taray, iminungkahi niyang pumunta na lang ang recipient sa Customs office at tanungin kung bakit napapagong ang kanyang package.

IMBESTIGAHAN

Magandang imbestigahan ng inyong opisina, PostGen Josie dela Cruz ang problemang ito sa Pasay Post Office. Baka may kababalaghan na nagaganap sa mga package diyan.

Kung gusto ng Philpost na makuha ang tiwala ng mamamayan sa serbisyo ng mamamayan, dapat na ituwid ang ganitong istayl sa Philpost.

Mabagal na nga ang Philpost, kaduda-duda pa ang nangyayari sa mga padala. Pagkatapos, kakambalan pa ang kabalbalan diyan ng katarayan ng isang public servant.

Kailan pa kasalanan ng mamamayan ang mangulit kung hindi na maganda ang serbisyo ng pamahalaan?

Anak ng pagong kayo riyan sa Philpost.

HEINOUS CRIME AT JOURNALISTS

Magandang pagtuunan ng pansin ng mga mamamahayag ang panukalang batas ni Senador Jinggoy Estrada na gawing heinous crime ang pagpaslang sa kanilang hanay.

Sabi ni Sen. Jinggoy, kabilang sa mga mahahalagang tadhana ng 1987 Constitution ang pagtitiyak ng kalayaan sa pamamahayag.

Kaya naman pupuwedeng ituring na karumal-dumal na krimen ang pagpaslang sa mga mediaman.

Tingnan ninyo, mga Bro.

Nasa 61 porsiyento sa mga pinapatay na journalist ang konektado sa pulitika, 43% sa korapsyon at 23% sa krimen.

‘Yun bang === pinakamainit na kino-coveran ng mamamahayag ang pulitika, sumunod ang korapsyon at krimen.

Kung mag-uulat ang mediaman sa diaryo, telebisyon at radyo ukol sa mga bangayan at bulok na pulitika, korapsyon at krimen, pinapatay siya.

Bibihira ang mga personal na dahilan at halos pawang konektado sa trabaho ang mga pamamaslang sa mediamen.

DATU ROY BAGTIKAN GALLEGO

Si kasamang Datu Roy Bagtikan Gallego, Lianga town, Surigao del Sur ang pinatahimik ng riding in tandem sa Sitio Mamprasanon, Lianga. Isang lider ng mga Manobo sa lugar si Gallego at ipinagtatanggol niya ang mga karapatan ng mga tribu sa kanyang lugar laban sa pananalasa ng mga kompanyang nagmimina sa lugar.

Nauna sa kanya si Johnson Pascual na isang editor ng lokal na pahayagan sa Isabela.

Tuloy-tuloy pa rin ang pamamaslang sa journalists.

Sa katunayan, makaraan ang masaker sa Maguindanao na kinamatayan ng nasa 32 mamamahayag bago maghalalan nitong nakaraang taon, magkakasunod ang pagpaslang pa rin sa mediemen at kabilang na nga sina Pascual at Gallego.

JINGGOY’S BIL SUPORTAHAN

Magandang tingnan nang husto ng mga mamamahayag ang panukalang batas ni Sen. Jinggoy para maisama sa mga batas na kalasag nila sa paggampan ng trabaho.

Makatutulong ito sa walang pakundangang pamamaslang sa mga journalist.

Mga kapatid, paano?

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply