Higante! Gahaman?

NAGRA-RALLY ang maraming tao sa New York sa Amerika kontra “corporate greed.” Ang hinaing ng mga nagra-rally ay 1% lang daw ng mga Amerikano ang tinulungan ng gobyerno. Ito yung mga banko na tinulungan na makaahon sa pagkalugi. Paano naman daw ang natitirang 99%?

Dito sa atin, may mga dumampot sa isyu na kontra naman daw sa pagiging gahaman ng mga malalaking korporasyon. Kung tutuusin, hindi bawal sa batas ng tao ang pagiging gahaman.

Ang ipinagbabawal ay ang korapsyon, maliit man ito o malaki; ang pagnanakaw ng dahil sa pagiging gahaman; at ang iligal na gawain ng mga gustong makalamang. Hindi natin pwedeng kondenahin ang mga mayayaman o malalaking korporasyon dahil lang sa palagay natin ay gahaman sila.

Pwede lang natin silang kondenahin kung ginagamit nila ang kanilang kapangyarihan para yurakan ang karapatan nating maliliit o kaya ay gamitin ang kanilang pagiging malaki para harangan ang pagkakataon ng maliliit na umangat at umasenso gaya nila.

Ang sabi ni Pangulong Aquino noon, tularan natin ang mga mayayaman sa ating bansa dahil ang kwento nila ay kwento ng pagsisikap at tagumpay.

Nabasa ko kung paanong si John Gokongwei ay nagbibiyahe ng sako-sakong sibuyas noong pagkatapos ng giyera at ibinebenta ito ng tingi sa mga bayan na malalayo sa kabihasnan.

Ito ang prinsipyo ng komersyo o trade at tingnan naman natin ngayon kung nasaan si John Gokongwei, isang matagumpay at higanteng negosyante.

Ang problema ng mundo ay hindi lang dahil maraming gahaman na tao kundi dahil ang mga gahaman ay may pagkakataon para mangurap, magnakaw, manlamang at mangyurak ng karapatang pantao.

Ang kakayahan ng mga higanteng korporasyon at mayayaman na makapanlamang ay kadalasang dahil sa isang korap na sistema at ito ang dapat kontrahin at kondenahin.

Ang ating Kongreso ay dapat gumawa pa ng mga batas hindi para supilin ang demokratikong paraan ng pagyaman o pag-asenso ng isang Filipino kundi mga batas para maging patas ang pagkakataon ng lahat, mayaman man o mahirap, na umangat at magtagumpay at mga batas na magsasaayos sa sistema sa pa-mahalaan para hindi na maka-panglamang ang mga gahaman.

Mag-text po kayo sa akin sa 09209280847 o mag-email sa: ariel.inton@gmail.com. Mahalaga sa akin na malaman ang inyong saloobin at opinyon tungkol sa isyung ito.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply