Hindi lang butil ang kailangan ng magsasaka

NAMAMAHAGI ang Department of Agriculture ng mga butil ng palay para sa mga magsasakang nasalanta ng mga bagyong Pedring, Quiel at Ramon.

Ito’y para matulungan silang magkaroon ng pag-asa sa buhay sa halip na iyakan na lang ng mga ito ang kanilang malungkot na kalagayan.

oOo

Maganda na rin ang ayudang ito ng DA sa mga magsasaka na bumubuo ng nasa 80% ng mga nasalanta ng kalamidad.

Subalit kung titingnan ang kabuuang kalagayan ng mga magsasaka, kakatiting ang tulong na ito.

Sapagkat malalaki ang mga gastusin sa pagsasaka mula sa abono, pestisidyo at pamatay-damo hanggang sa pag-aararo, paglilinang, pagpapatubig, paggigiik, pagbibilad ng palay at pagbebenta ng ani.

Hindi pa kabilang ang gastusing pampamilya ng mga ito mula sa araw ng pagpupunla at pag-aararo hanggang sa kiskisan at pagsasaing sa loob ng apat-limang buwan.

Karaniwan may pinag-aaral ang mga pamilya, pagkakasakit ng mga miyembro nito at, higit sa lahat, dapat na may palaman ang sikmura ng mga ito mula sa pagsikat  hanggang sa paglubog ng araw.

oOo

Dahil sa bagsik ng nasabing mga bagyo na lumikha ng mapanirang mga baha, nahihirapan ang mga magkakapit-bahay na maghiraman sa isa’t isa dahil pare-pareho silang biktima ng kalamidad.

Dito dapat pumasok ang pamahalaan at lawakan ang kaisipan nito ukol sa pag-ayuda.

Kung naglalaan ito ng daan-daang bilyong piso para sa Public-Private Partnership na pa-papelan ng mga higanteng negosyanteng lokal at dayuhan, hindi magandang tingnan na milyon lamang ang inilaan nito sa mga nagpapagod para may makain ang buong lahi ni Juan.

O Boss PNoy, kilos na para sa magsasaka.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply