Hirit ni Pia sa RH Bill tinabla ni Sotto

TINANGGIHAN ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang hirit ni Sen. Pia Cayetano na kaagad isara ang period of interpellations sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) Bill dahil wala nang interes ang ibang mambabatas na makipagdebate dito.

Ayon kay Sotto, hindi mapagbibigyan ang kahilingan ni Cayetano dahil sa marami pang senador ang gustong magtanong sa principal sponsor ng RH bill.

Itinanggi din ng senador ang patutsada ni Cayetano na wala nang interes ang ibang senador na magtanong pa sa kanya, patunay ang hindi nila pagsipot nitong Lunes, Martes at Miyerkules sa plenaryo ng Senado.

“She is wrong. Many interpellations lined up pa,” pagdidiin ni Sotto.

Nais ni Cayetano na isara na ang period of interpellations upang simula ang amendments ng Senate Bill No. 2865, patungo sa pagpapatibay nito sa ikalawang pagbasa.

Binigyang-diin pa ni Cayetano na halos tatlong buwan nang pinagdedebatehan sa plenaryo ng Senado ang RH bill kung kaya’t sapat na ang panahon upang maisara ang debate sa panukala.

Nagpasaring pa ang senadora na may ibang senador ang sinasadyang patagalin ang debate sa RH bill dahil kapag nagpareserba sila ng araw para mag-interpellate ay saka sasabihing hindi pa sila handa kung kaya’t napo-postpone ang debate.

Nauna rito, iginiit ni Senate President Juan Ponce Enrile na sa Enero 2012 na dapat talakayin ang RH bill dahil sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa Nobyembre 14 ay abala na sila sa panukalang P 1.8-trilyong badyet ng pamahalaan para sa susunod na taon.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply