Hostage crisis sa Surigao del Norte payapang natapos

NAKALIGTAS ang lahat ng mga opisyal at tauhan ng Taganito sa Claver Surigao del Norte makaraang gawing hostage ng rebeldeng New People’s Army (NPA).

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jesse Robredo,  mapayapang natapos ang hostage crisis sa Taganito Mining Corporation makalipas ang ilang oras.

Gayunman, pansamantalang huminto ang operasyon at maging sa mga susunod na araw dahil sa dami ng mga gamit kabilang ang mga heavy equipment sa mga sinunog ng mga sumugod na rebelde.

Kinumpirma din ni Robredo na tatlong guwardiya ng Taganito mining ang napatay sa pag-atake ng mga rebelde.

Nanawagan din si Robredo sa responsableng grupo na karapatan nilang magpahayag ng kanilang saloobin pero mayroong tamang paraan para hindi na makapinsala.

Binigyang diin ni Robredo na hindi lang ang mga employer o may-ari ng mining company ang apektado kundi higit ang mga empleyado na umaasa sa kanilang kinikita sa pagta-trabaho.

Si Robredo ay napasugod sa Surigao mula sa Sulu nang maiparating sa kanya ni Governor Sol Matugas ang nagaganap na insidente ng karahasan.

Nilusob ng mga rebelde ang Taganito Mining Corp., Taganito HPAL Nickel Corp. at Platinum Group Metals Corp. dahil sa hindi pagbabayad ng revolutionary tax.

Kinumpirma naman ni Surigao del Norte Governor Sol Matugas na pinakawalan na ng NPA ang resident manager ng Taganito Mining Corporation na si Mr. Jose B. Anievas kasama ang ilang Japanese national matapos ang isinagawang negosasyon.

Bagama’t ligtas na ang mga dinukot na foreign nationals, nangako ang gobyerno na patuloy ang kanilang pagtugis sa mga NPA at panagutin sa ginawang karahasan.

Dahil sa sunud-sunod na pananalakay ng mga NPA sa nasabing mga mining companies ng Surigao del Norte, nag-alala ngayon ang gobernador na posibleng wala ng mga investors ang mamumuhunan sa kanilang lugar. Johnny F. Arasga

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply