Ika-110 anibersaryo ng Philippine Coast Guard, ipinagdiwang!

IPINAGDIWANG ng buong bansa ang ika-110 anibersaryo ng pagkakatatag Philippine Coast Guard (PCG) sa Headquartes nito sa Port Area, Manila noong Oktubre 18, 2011 na may temang “Para sa Ligtas, Malinis at Mapayapa na Karagatan Tungo sa Maunlad na Bayan.”

Ang pagdiriwang ay dinaluhan ni Pangulong Benigno Aquino III bilang panauhing pagdangal sa masayang araw na iyon kasama si Kalihim Mar Roxas ng Department of Transportation and Communications (DOTC). Pinangunahan ito ni Admiral Ramon C. Liwag, walang iba kundi ang Commandant ng Philippine Coast Guard. Nakiisa din ang iba’t ibang foreign dignitaries at kinatawan ng mga ahensya ng pamahalaan.

Siyempre pa, bilang tagapagtaguyod ng kapakanan at karapatan ng ating mga marino, sinuportahan din ng buong puwersa ng inyong Bantay OCW ang ika-110 anibersaryo ng PCG sa pakikipagtulungan na din ng ating partner sa Kabalikat ng Marino, si Capt. Edwin Itable, National Secretary ng Masters & Mates Association of the Philippines (MMAP) at Secretary ng Kabalikat ng Marino sa ngalan ni Leo Santiago, ang ating Maritime Journalist.

Pinuri ni Pangulong Aquino ang PCG sa kanyang natatanging mensahe sa pagtitipong iyon. Ayon sa kanya sa loob ng mahabang panahon, naging masipag at tapat na katuwang natin ang Tanod-Baybayin ng Pilipinas para sa ligtas, malinis at payapang karagatan—mula sa pagkakaloob ng lighthouse service, hanggang sa pagpapatrolya laban sa iligal na pagpasok ng mga dayuhan. Aniya, wala talagang itulak-kabigin ang husay ng PCG. Ipinagmalaki din ng pangulo ang PCG sa pamumuno ni Admiral Liwag dahil sa marangal na paglilingkod nito sa ating mga kababayan.

Ipinaabot din ni Pangulong Aquino ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa PCG dahil sa agarang pagresponde nito upang iligtas ang buhay at mga ari-arian ng marami nating kababayan sa nakaraang paghagupit ng mga bagyong Pedring at Quiel. Pinuri din niya ang mga tauhan ng Coast Guard na nakatalaga sa mga barkong pangkomersyal at pampasahero dahil sa katapatan at kahusayan ng mga ito sa serbisyo.

Batay pa sa mensahe ni Pangulong Aquino, sila ang nagsisilbing kalasag ng mga kababayan natin sa banta ng human trafficking, pagtutulak ng mga iligal na droga, smuggling ng mga iligal na armas, krimen at transnational crimes.
Ikinagalak din niya ang pagpupunyagi ng PCG na mapatibay ang relasyon at kooperasyon ng Pilipinas sa mga karatig-bansa sa Asya, hindi lamang aniya sa pagsugpo sa banta ng terorismo at droga, kundi maging sa pagtugon sa kalamidad at polusyon sa karagatan.

Naging bahagi din ng ika-110 anibersaryo ng PCG ang pagkilala sa mga PCG awardees na nagsisilbing ehemplo sa pagtataguyod ng bansa ng isang Tanod Baybayin na maaari nating ibandila sa buong mundo.

Lubos po na nagpapasalamat ang inyong Bantay OCW program sa karangalan na maging bahagi ng napakahalagang araw na ito ng mga Tanod Baybayin ng ating bayan. Binabati po namin ang lahat ng bumubuo ng Philippine Coast Guard lalong-lalo na si Admiral Ramon Liwag, sa kanyang pangunguna sa matagumpay na ika-110 anibersaryo ng PCG na puno ng walang tigil at kapaguran na serbisyo sa ating mga kababayan. Mabuhay po kayo!

Bantay Kaso

•DERRISH DE GUZMAN (Asawa ng OFW sa UAE na biktima ng hindi pagsunod sa kontrata)

MA. THERESA DE GUZMAN (OFW sa UAE na biktima ng hindi pagsunod sa kontrata)

KASO: Hindi nasunod ang kontrata may kinalaman sa sweldo, walang day-off at dalawang bahay ang pinaglilingkuran. Hindi rin pinapayagan ng employer na magkaroon ng komunikasyon sa kanyang pamilya.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Atty. Alejandro Padaen, ang Direktor ng Adjudication Office sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ayon sa Head of Repatriation Unit, magpapadala sila ng Request Letter sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa United Arab Emirates (UAE) upang ipaalam ang kalagayan ng ating kabayan.

•DHEA SORIANO (Anak ng pumanaw na OFW sa Tabuk, KSA)

FERNANDO SORIANO (Pumanaw na OFW sa Tabuk, KSA)

KASO: Trailer driver ang trabaho, buwan ng Setyembre 24, 2011 ng atakehin sa puso dahilan ng pagpanaw nito.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Undersecretary Esteban Conejos ng Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-OUMWA). Ayon kay Desk Officer Mayeth Casaysayan, kasalukuyang pinoproseso na ang mga dokumento ng labi ni Kabayang Fernando.

•MA. THERESA OLIVEROS at JEANNE OLIVEROS (Mga kamag-anak ng minaltratong OFW sa Riyadh, KSA)

ANNIE TOLEDO (Minaltratong OFW sa Riaydh, KSA)

KASO: Nurse assistant ang trabaho ngunit naging household service worker. Minamaltrato o sinasaktan ng madam (employer na babae) walang pahinga sa trabaho at laging huli ang pasahod.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Atty. Alejandro Padaen, ang Direktor ng Adjudication Office sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ayon sa Head of Repatriation Unit, magpapadala sila ng request letter sa POLO-Riyadh upang ipaalam ang sitwasyon ni kabayang Annie para makauwi na ito sa bansa. Gayundin, ipapaalam nila sa B&E Overseas Manpower Services ang estado ng ating kabayan.

•JENNIFER ALI (Maybahay ng OFW sa Al-Khobar, KSA na walang sapat na suportang pinansyal sa pamilya)

OFW: AMIN ALI (OFW sa Al-Khobar, KSA na walang sapat na suportang pinansyal sa pamilya)

KASO: Mula taong 2008, halagang P 5,000 lamang ang pinapadala, hindi sapat para sa kanilang anak na nag-aaral sa pribadong eskwelahan. Dinadaan pa ang pera sa kanyang mga biyenan. Mayroon na rin ibang pamilya si Amin, hiling na lamang na makatanggap ng makatarungang suporta para sa mga anak.

UPDATE: Nakipagtulungan ang BANTAY OCW kay Atty. Dante Mercado, ang Senior Deputy Director ng Intergrated Bar of the Philippines (IBP). Ayon kay Atty. Mercado, magpapadala sila ng Demand Letter sa kumpanya ni Amin upang ipaalam ang kahilingan ng kanyang pamilya ukol sa pinansyal na suporta nito.

•MYRNA ELEJEDO (Ina ng OFW sa Riyadh, KSA na nais nang umuwi)

FELIXBERTO ELEJEDO (OFW sa Riyadh, KSA na nais nang umuwi)

KASO: Nagkakasakit na at hindi umano tinutulungan ng kanyang kumpanya roon. Nais na lamang umuwi ng bansa.

UPDATE: Nasa tanggapan na ito ni Atty. Alejandro Padaen ng POEA at nagbigay na rin sila ng 15-day notice sa ahensyang Access Africa Human Resources Corporation upang asikasuhin ang kanyang pagpapauwi. Nakipag-ugnayan rin ang Bantay OCW sa ahensya at ayon dito, nakipag-ugnayan na sila sa kanyang employer hinggil sa kanyang kaso at nagpadala na rin sila ng kanilang sagot sa POEA. Handa naman sila umanong magbigay ng kaukulang tulong sa OFW para sa kanyang gastusin sa pagpapauwi.

•ELLEN TOLENTINO (Tiyahin ng minamaltratong OFW sa Riyadh, KSA)

GINA BALIWAS (Minamaltratong OFW sa Riyadh, KSA)

KASO: Nagtrabaho bilang household service worker sa Riyadh, ngunit nagkakasakit at minamaltrato ng kanyang employer.

UPDATE: Nasa tanggapan na ito ni Atty. Alejandro Padaen ng POEA at nagbigay na rin sila ng 15-day notice sa ahensya upang asikasuhin ang kanyang pagpapauwi. Nagkipag-ugnayan rin ang Bantay OCW sa ahensyang Asmara International Placement Agency at handa naman silang maglaan para sa ticket ni Ellen sa oras na maibigay ang kanyang exit visa at pasaporte mula sa kanyang employer.

***

Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM
Ang Bantay OCW ay mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes 7:00-8:30 p.m. sa DZIQ Radyo Inquirer 990 AM. Para po sa inyong mga problema, hinaing at kahilingan, maaring magtungo sa Radyo Inquirer studio, 2nd Floor Media Resource Plaza Building, Mola St. cor. Pasong Tirad St., Barangay La Paz, Makati City. Para sa mga OFW sa ibayong dagat, mag-log on lamang sa www.dziq.am

Bantay OCW sa PTV Channel 4
Ang Bantay OCW ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes 10:15-11:15 p.m. sa PTV Channel 4. Mapapanood din sa pamamagitan ng internet: www.ptni.tv

Bantay OCW Foundation Operations Center
Ang Bantay OCW Foundation Operations Center ay naglilingkod araw-araw Lunes hanggang Biyernes 8:00 a.m.-5:00 p.m. sa 631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Maaari po kayong makipag-ugnayan sa ating mga telepono: 5357209, 8819423 at 0919214.0699.

Email: susankbantayocw@yahoo.com/bantayocwfoundation@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply