Imbestigasyon vs sindikato sa Pagcor tuloy

TULOY ang imbestigasyon ng Kamara sa sindikatong nakapanloko sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ng may P400 milyon matapos mapaulat na buhay at hindi patay ang lider nito na si Ben Lui.

Sinabi ni Asst. Minority Leader Zambales Rep. Mitos Magsaysay na si Lui ay sinasabing nanganganlong ngayon sa Cagayan Export Zone Authority.

Ipatatawag aniya ng House Committee on Games and Amusement si Lui at mga opisyal ng Pagcor sa susunod na pagdinig.

“There is a need to determine the real amount that Lui’s syndicate got from the government. Government officials should also be made accountable and the Pagcor insiders who may be in connivance with the syndicate should be held responsible,” ani Magsaysay.

Maaari rin aniyang ipatawag ang sinasabing girlfriend ni Lui na si Maria Zerra Hao, ang nagtitinda ng sigarilyo at kendi sa loob ng casino at ang katulong nito na si Redin Capilan upang makuhanan ng impormasyon ukol sa iba pang aktibidad ni Lui sa bansa.

Nangangamba rin si Magsaysay na sa bagal ng ulat ng Pagcor sa komite ay malamang nagtatago na sina Hao at Capilan para sa kanilang kaligtasan.

Ang buong pangalan ni Lui ay Loo Choon Beng, isang Singaporean lawyer na nahuli kasama ang kaniyang mga kasabwat sa isang baccarat table sa Pagcor Airport Casino gamit ang isang itinagong “sophisticated communications devices” noong Mayo 8.

Inaresto ito kasama ang iba ang kasabwat at kinasuhan ng syndicated estafa sa Parañaque Regional Trial Court subalit pinababa mismo ng Department of Justice ang kaso sa simple estafa na siyang nagbunsod upang ang mga suspek ay makapagpiyansa.

Sa kabila ng naisyung hold-departure order laban sa mga suspek ay nakalabas pa rin ang mga ito ng bansa at nakarating pa ng China kung saan napaulat na si Lui ay napatay.

“As a result of the cheating done in its casinos, the State thru Pagcor was deprived of its rightful revenues which could have been used to fund government projects,” sinabi naman ni Dasmarinas Rep. Elpidio Barzaga Jr., ang awtor ng resolusyon na nagsulong na imbestigahan ng komite ang insidente.

Banggit pa ni Barzaga, tila nagkakaroon ng sabwatan sa pagitan ng ilang opisyal ng Pagcor at sindikato upang makalusot sa kaso ang mga suspek. Meliza Maluntag

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply