Inutil na GOCCs ‘paglalamayan’ bago mag-Undas

TINIYAK ng isang senador na may “paglalamayan” na walang silbing kompanya ng pamahalaan bago pa sumapit ang pagdiriwang ng Undas dahil nakatakda nang lusawin ang ilan upang makatipid ang gobyerno sa pondo.

Sinabi ni Sen. Franklin Drilon nitong Miyerkoles na mahigpit na sinimulan ngayon ng Governance Commission for Government-owned or controlled Corporations (GCG) ang pagrerebyu sa ilang korporasyon ng estado upang tuluyan nang masugpo ang pagwawaldas sa pondo sa harap ng makitid na posisyong pananalapi ng gobyerno.

Partikular na tinukoy ni Drilon ang Southern Philippines Development Authority (SPDA) na matagal nang namamayapag ngunit nabigong makalikha ng kakaibang pag-unlad upang makamit ang layuning pangkaunlaran sa Mindanao sa kabila nang ibinibigay na pondo ng pamahalaan.

“There is every reason for us to have created the Governance Council for GOCCs in order that they can look with great detail on your operations,” ayon kay Drilon, chairman ng Senate Finance Committee.

Sa pagdinig ng badyet ng SPDA,  ipinamukha ni Drilon sa ahensiya na maraming tungkulin ito na kasalukuyang ginagawa ng ibang ahensiya ng pamahalaan hinggil sa pagpapaunlad ng Mindanao at prosesong pangkapayapaan.

Kabilang sa nagsasagawa ng pagkilos tungo sa kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao ang National Economic and Development Authority, Autonomous Region in Muslim Mindanao, Mindanao Development Authority, Office of the Presidential Adviser on the Peace Process, Social Welfare Department at local government units.

Inaatasan ng Kongreso ang GCG na rebyuhin ang operasyon ng lahat ng GOCCs upang matukoy kung dapat nang lusawin, pagsamahain at isapribado ang kompanyang ito ng Estado nang hindi sumasalungat sa kapangyarihan ng Kongreso na balasahin ang anumang state firm.

Nanghihinayang na tinuran ng senador na umaabot lamang sa P183,000 ang kikitain ng SPDA o may tantos na 1.5% ng P13.4 milyong pamuhunan nito sa fishponds. Sangkot din ang SPDA sa P12.8 milyong reforestation project na kinasasangkutan ng 200,000 ektarya sa Kabalukan, Maguindanao na nagsimula noong 2009 at inaasahang matatapos sa 2014.

Bukod pa rito ang pagpapaunlad ng 26,000 ektarya ng lupain na nagsimula pa noong 1970 upang tumulong sa rebel returnees sa Mindanao, ngunit hanggang ngayon ay wala pang nangyayari sa proyekto.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply