Iringan ng Kamara, Senado sa chacha lumala

UMIINIT lalo ang isyu ng Legislative Constituent Assembly matapos magsimulang mag-iringan ang liderato ng Senado at ang oposisyon sa Kamara.

Sinopla ngayon ni House Minority Leader Edcel Lagman ang liderato ng Senado  nang paratangan siyang ibinase diumano sa 1935 Constitution ang pahayag  na salungat sa saligang batas ang pagpapalit ng Konstitusyon sa  pamamagitan ng “legislative constituent assembly.”

Ngayong umaga ay tahasang sinabi ni Lagman na malamang ay nagpapatawa lamang si Senate President Juan Ponce-Enrile nang sabihing ang basehan ng kongresista ay ang 76-taong lumang kunstitusyon.

Pinayuhan pa ni Lagman si Enrile na muling repasuhin ang probisyon sa 1987 Constitution upang mapagtanto kung ang botohan sa constituent assembly (con-ass) ay magkahiwalay para sa ¾ votes.

Tinukoy ng kongresista ang desisyon ng Supreme Court sa Gonzales vs. COMELEC kung saan sinabing “indeed, the power to amend the constitution or to propose amendments thereto is not included in the general grant of legislative powers to Congress x x x hence, when exercising the same, it is said that Senators and Members of the House of Representative act, not as Members of Congress, but as component elements of a constituent assembly.”

Paliwanag pa ni Lagman na ang mahinang kaanyuan ng constituent assembly na inindorso ni Enrile ay hindi lamang nagsusulong sa legislative format bilang basehan ng magkahiwalay na botohan ng dalawang kapulungan ng Kongreso kundi parehong hindi matatagpuan sa 1987 Constitution.

Naunang hinamon ni Enrile si Lagman sa isang matinding debate hinggil sa pag-aamyenda sa Saligang Batas na pinagkasunduan sa ginanap na Legislative Summit kamakailan na dinaluhan ng liderato ng Kongreso sa Shangrila Plaza, Mandaluyong City.

Banggit pa ni Enrile na dapat muling balikan ni Lagman ang kanyang argumento sa pagtutol sa panukalang magkaroon ng pagbabago sa Saligang Batas dahil nakabase ang kanyang pananalita sa 1935 Constitution.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply