Joint exercise ng Pinoy at Kano: Ano ang kay Juan?

SA NAKALIPAS na mga buwan, sumali ang Pilipinas sa iba’t ibang uri ng combined exercises o yung tinatawag ng ilan na “war games.” Kasama ng mga Pinoy rito ang mga pwersang mula sa ibang bansa na kalimitan ay mga Kano.

Sa taon lamang na ito, na-kabilang na ang Philippine Navy sa mga pinagsanib ng pagsasanay tulad ng Balikatan, CARAT at SEACAT.

Kapansin-pansin sa lahat ng nabanggit na mga exercise na ang malaking bahagi nito ay ang Fleet-Marine portion o ang bahagi na kinalalahukan ng mga Mandaragat (Sailors) at mga Mandirigma (Marines) ng Philippine Navy.

Kalimitan pa nga ay mga Kano ang ka-partner natin.

Subalit maraming nagtatanong kung ano ba ang pakinabang nating mga Pinoy sa mga combined exercise na ‘to.

Ayon sa mga tagaplano at tagalunsad ng mga exercise, malaki ang bahagi ng Fleet-Marine Team dahil naniniwala sila na ang mga tema o senaryo ng exercise ay nakapaikot sa mga operasyong pandagat o maritime operation.

Sa ngayon naman siguro ay hindi na kayo magtataka na maging sa mga pagsasanay na ito ay tanggap ng nakararami na tunay na bansang pandagat ang Pinas. Napaka-importante ang mga combined exercise na ito dahil nahahasa at napabubuti ang kakayanan ng ating Fleet-Marine Team na makipag-operate kasama ang mga kakampi nating puwersa.

Sa madaling salita, sa panahon ng krisis ay madali para sa mga pinagsanib na pwersa ang mag-operate dahil sanay na sila sa kilos at diskarte ng magkabilang panig. Mas mabilis at mas epektibo ang mga aksyon at reaksyon ng mga kalahok na puwersa dahil magkakilala na sila.

Kamakailan lamang ay inilunsad ng US at PH Marines ang PHIBLEX 2011 o Amphibious Landing Exercise 2011 sa iba’t ibang dako ng bansa.

Sa taong ito ay binigyang pansin ang aksyong gagawin ng pinagsanib na Marines kung sakaling magkaroon ng malawakang paglindol sa Maynila.

Importante ito hindi lamang dahil sa nahahasa ang kanilang kakayanan na tugunan ang ganitong uri ng krisis kundi naipapakita rin na ang mga exercise na ito ay patuloy na nagbibigay halaga sa pagtugon sa mga kalamidad at krisis o mga operasyong walang kinalaman sa pakikidigma.

Kaya’t mga kababayan ko, sana’y maunawaan natin ang kahalagahan ng mga exercise na ‘to. Mas maigi na syempre ang handa ‘di ba? Kaya natin yan, Pinoy!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply