Kapit-bisig sa seguridad pandagat

MGA kasamang mandaragat, mahirap yatang isipin na sa lawak ng ating karagatan at sa kinalalagyan ng Pilipinas sa gitna mismo ng krosing ng Asya at Dagat Pasipiko, nananatiling mataas pa rin ang banta sa ating pandagat na seguridad o maritime security. Sa tinatayang iba’t ibang uri ng banta sa ating bansa, karamihan sa mga ito ay nalulugar malapit sa karagatan o sa mga lugar na maaring respondehan mula sa dagat.

Dahil dito, nangangamba ang humigit kumulang na 55% ng ating mga kababayan at maging ang may 600 na puerto sa buong bansa. Kasama na rin dito ang may 375,000 na barkong pangisda at may 15,000 pa na ibang uri ng mga bapor na naglalayag sa loob ng ating teritoryo. Sa kabuuan, delikado din ang lagay ng mayroong 95% ng lahat ng mga bumibiyahe sa Pilipinas dahil sa dagat naglalakbay ang mga ito – ano pa’t “maritime nation” nga tayo di ba?

At dahil nakasalalay sa karagatan ang ating bansa, sa palagay ko’y sasang-ayon kayo kung sasabihin kong dapat lamang na maglaan tayo – kami sa Navy at mga sangay ng pamahalaan at maging kayo, mga kababayan ko – ng karampatang pamumuhunan at interes para sa kapakanan ng ating karagatan. Natural naman ito ‘di ba? Lalo na’t kapag ang buhay mo at buhay ng mga mahal mo ang nakasalalay, ‘di ba’t buhay mo din ang iyong itataya?

Sa dakong ito, naitalaga sa AFP, sa pamamagitan ng Philippine Navy, ang pangangalaga ng ating teritoryong pandagat. Pero teka nga muna, ang katuturan ng isang hukbo ay naka-depende lamang sa kalakasan at kredibilidad nito upang ipagtanggol ang ating bansa laban sa anomang banta – lokal man o dayuhan.
Sa kalaunan, ang isang “strong and credible” na Navy ay magdudulot ng pambansang dangal – ng ating “national pride” pare ko!

Pero hindi ganun kadaling magkaroon ng “strong and credible Navy.” Importanteng magkaroon ito ng tama at sapat na kapasidad at kapabilidad upang magampanan ang mga tungkulin at hamon ng mga banta. Higit sa lahat, kailangan ang suporta at tiwala ng taumbayan upang makapagbigay ng inspirasyon at tulak para sa bawat Mandaragat (Sailors) at Mandirigma (Marines).

Kaya’t tayo na mga kababayan ko! Kaya natin yan Pinoy!

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply