Kargador sa Balintawak market niratrat, patay

PATAY ang isang market porter, habang malubha namang nasugatan ang isang vendor makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin sa loob ng Balintawak market sa Quezon City kaninang madaling-araw.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Jojo Panaga, 40, market porter ng 1371 Gana Compound, Bgy. Unang Sigaw, Balintawak, QC bunga ng tinamong tama ng bala ng baril sa batok na tumagos sa kanang mata.

Malubha namang nasugatan ang vendor na si Jessie Lucina, 37, ng 127 Homart Road, Brgy. Baesa, QC at kasalukuyan ginagamot sa Quezon City General hospital matapos tamaan ng ligaw na bala sa tiyan.

Ayon sa ulat ni SPO2 Rafael de Peralta ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang insidente 4:30 ng madaling-araw sa Dantes Market Edsa, Balintawak, QC.

Sinabi ng guwardiya ng palengke na si Rex Opina, nakarinig siya ng dalawang putok ng baril malapit sa kanyang binabantayan kung kaya agad niyang pinuntahan ang lugar at madatnan si Panaga na duguang nakabulagta at sugatan naman ang isa pa na si Lucina.

Inaalam na ng mga pulis ang motibo ng pamamaril.

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply