Katapangan ng OFW sa kabila ng pagmamalupit ng employer, nasagip sa kanyang buhay sa abroad

MAGKAROON ng magandang buhay para sa mga mahal sa buhay ang palaging layunin ng marami nating kababayang umaalis sa bansa upang suungin ang buhay ng pag-aabroad. Ngunit paano na lang kung hindi ito matupad sa ibayong-dagat tulad ng ating kababayang si Sandra Calaunan.

First time OFW si Sandra nang umalis ng bansa noong Marso 16, 2011 patungong Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia bilang domestic helper. Tubong Calasiao, Pangasinan, ni-recruit lamang siya ng kanyang kapit-bahay. Matapos tulungan ng recruiter na makuha ang kanyang pasaporte, dinala siya nito sa Maynila at nanatili sa accomodation ng All Skills International Agency ng isang buwan habang inaayos ang kanyang mga dokumento.

Tuwang-tuwa si Sandra nang makalapag na siya sa Riyadh, KSA. Sinundo siya ng kanyang amo sa paliparan doon ngunit iyon na pala ang simula ng kanyang matinding paghihirap sa ibayong-dagat. Halos tatlong oras lamang siya natutulog kada araw at halos hindi na din makaligo dahil sa labis na trabahong ibinibigay sa kanya ng kanyang employer. Ang malala pa nito, isang beses lamang umano siya nakakain sa isang araw doon. Ayon pa sa kanya, pinagtangkaan siyang halayin ng kanyang amo.

Dahil dito tumawag siya sa kanyang ahensya upang humingi ng tulong. Ngunit walang kahit anumang tulong ang natanggap niya sa mga panahong iyon kundi isang payo aniya na tiisin na lamang daw niya ang mga nangyayari sa kanya dahil naroroon na siya.

Matapos ang unang apat na buwan niya sa kanyang unang amo, binenta siya nito sa ibang employer sa halagang 20,000 Saudi Riyals o mahigit sa 23,000 piso. Ngunit kalbaryo na naman ang inabot ng ating kabayan sa bago niyang amo. Pisikal na inaabuso siya nito. Ayon kay Sandra, inuutog siya nito sa pader kapag mabagal siyang kumilos habang nagtatrabaho.

Naging matapang ang ating OFW sa kabila ng pagmamalupit ng kanyang employer. Hindi na niya natiis ang matinding pang-aabuso ng kanyang ikalawang employer kaya’t nang nakakita siya ng pagkakataong tumakas nang maiwan ng kanyang amo ang susi ng bahay, agad siyang umalis at tumakas. Dahil sa walang pera ang ating OFW, 25 Saudi Riyals lang at kanyang larawan ang ipinambayad sa taxi na kanyang sinakyan.

Sa tulong ni Sam Revo, ang ating Correspondent sa Region I, agad niyang hinanap ang asawa ni Sandra sa Pangasinan upang makadulog sa Bantay OCW. Nakipag-ugnayan naman ang inyong Bantay OCW sa ating embahada sa Riyadh, KSA. Sa loob ng isang buwan, nakauwi na ng bansa si Sandra nitong Setyembre 24, 2011. Wala man siyang nadalang damit at mga gamit, nakabalik ang ating OFW sa Pilipinas nang ligtas.

Nagtungo si Sandra kasama si Sam Revo sa inyong Bantay OCW program sa ating himpilan sa Radyo Inquirer upang magpasalamat sa mabilis na aksyon na ating ginawa. Payo ni Sandra sa kapwa niya mga babaeng OFW sa iba’t ibang panig ng mundo, huwag silang matakot tumakas kung kinakailangan. Ayaw na din aniyang bumalik pa sa Saudi.

Lubos naman pong nagpapasalamat ang inyong Bantay OCW program kay Labor Attache Albert Valenciano ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh, KSA sa pagtutok sa kaso ng ating OFW para sa kanyang agarang pag-uwi sa bansa.

Kasalukuyan nang inaasikaso ang ating OFW ang kanyang kaso laban sa ahensyang All Skills International Agency na nagpaalis sa kanya.

BANTAY KASO

•CERELINA PABUSTAN, LORELIE FLAVIER at EDERLINDA FLOJO
(Mga aplikanteng hindi nakaalis patungong Canada)

KASO: Disyembre 2009 pa sila nagsimulang mag-aplay bilang fish processor patungong Canada. Bagamat naibalik na sa kanila ang ibinayad na downpayment (P20,000), nais malaman kung maibabalik rin ang mga nagastos sa medical, mga ipinambayad sa mga dokumento at para diumano sa danyos.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Dahil hindi sila nagkasundo ng kanilang kalabang World Transman International Placement Inc. sa POEA, iniakyat na nina Cerelina, Lorelie at Ederlinda ang kanilang kaso sa Docket section ng POEA. Hinihintay na lamang natin ang ilalabas na notisya ng POEA kung kailan ang kanilang susunod na paghaharap. Nakahanda namang magbigay ng legal na tulong ang ating katuwang sa Integrated Bar of the Philippines (IBP), Cavite Chapter na mas malapit sa lugar ng mga complainants, kung kinakailangan.

•JOEL CUIZON (Aplikanteng hindi makaalis patungong Qatar)

KASO: Nag-aplay bilang karpintero patungong Qatar, ngunit ayon sa inaplayang ahensya, nagkaproblema diumano sa visa nito dahil mayroon na aniya siyang visa patungong Jeddah. Inamin naman ni Joel na dalawang (2) beses siyang nag-aplay patungong Jeddah sa iba’t ibang ahensya, ngunit hindi niya itinuloy dahil sa napakababang alok na suweldo sa kaniya.

UPDATE:  Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa ating Konsulado sa Jeddah upang alamin kung mayroon na nga bang in-issue na working visa sa ating kabayan. Ayon sa ating Konsulado, nakipag-ugnayan sila sa Saudi Ministry of Labor na siyang naglalabas ng mga visa para sa mga OFW. Wala silang nakitang rekord na nabigyan na ng visa si Joel kaya malinaw na hindi dapat mahadlangan ang kaniyang pangingibang-bansa.

•MELISSA GARCIA (Maybahay ng OFW sa Bahrain na walang natatanggap na pinansyal na suporta sa kaniyang asawa)

IRENE MAE GARCIA (Anak ng OFW sa Bahrain na walang natatanggap na pinansyal na suporta sa kaniyang asawa)

IRENEO GARCIA (OFW sa Kingdom of Bahrain na hindi diuamano naglalaan ng pinansyal na suporta sa kaniyang pamilya)

KASO: Direct hired bilang Auto technician ng International Motors Trading, tatlong (3) buwan na aniya walang ipinapadalang pinansyal na suporta sa kanyang pamilya. Hiling nito na makapagpadala ng halagang kailangan para sa tuition fee ng kanyang anak na nag-aaral sa kolehiyo.

UPDATE:  Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Atty. Dante Mercado, ang Senior Deputy Director ng Integrated Bar of the Philippines (IBP). Ayon kay Atty. Mercado, magpapadala sila ng Demand Letter kay Ireneo upang maipaalam ang kahilingan ng kanyang pamilya.

•ISAGANI DE VILLA  (Aplikante patungong Qatar na nais mag-withdraw ng aplikasyon sa ahensya)

KASO: Nag-aplay sa ahensyang Starworld Manpower Agency ngunit wala palang job order ng kanyang inalam sa POEA. Nais na lamang mabawi ang kanyang ibinayad at iba pang dokumento. Ngunit ayon sa kanila hinihingan sila ng bayad na P9,500 at USD500 sa oras na magback out si Isagani.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa tanggapan  ni Administrator Carlos Cao ng POEA at sa ahensiya nito. Makalipas lamang ang halos tatlong araw ay naibalik na agad kay Isagani ang buong halagang P15,000.00 na ibinayad niya sa agency at lahat ng dokumento nito. Matapos magtungo sa kanyang ahensya, nabawi na niya ang kanyang dokumento at ang ibinayad na processing fee.

***

Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM
Ang Bantay OCW ay mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes 7:00-8:30 p.m. sa DZIQ Radyo Inquirer 990 AM. Para po sa inyong mga problema, hinaing at kahilingan, maaaring magtungo sa Radyo Inquirer studio, 2nd Floor Media Resource Plaza Building, Mola St. cor. Pasong Tirad St., Barangay La Paz, Makati City. Para sa mga OFW sa ibayong dagat, mag-log on lamang sa www.dziq.am

Bantay OCW sa PTV Channel 4
Ang Bantay OCW ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes 10:15-11:15 p.m. sa PTV Channel 4. Mapapanood din sa pamamagitan ng internet: www.ptni.tv

Bantay OCW Foundation Operations Center
Ang Bantay OCW Foundation Operations Center ay naglilingkod araw-araw Lunes hanggang Biyernes 8:00 a.m.-5:00 p.m. sa 631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Maaari po kayong makipag-ugnayan sa ating mga telepono: 5357209, 8819423 at 0919214.0699.
Telephone Numbers:  5357209, 8819423 at 09192140699.
Email: susankbantayocw@yahoo.com/bantayocwfoundation@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply