Kelot binaril habang natutulog

AGAW-BUHAY ngayon ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng isang ‘di pa kilalang suspek habang natutulog sa kanyang bahay kaninang madaling-araw sa Pasay City.

Ang biktima na kinilalang si Paulito Caparas, 43, residente ng Block 2, Lot-8, Gladiola st., Maricaban ng nabanggit na lungsod ay nilalapatan ng lunas sa San Juan de Dios Hospital bunga ng tama ng bala sa mukha, leeg at palad.

Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Nestor Rubel ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), ang insidente ay naganap kaninang alas-2:15 ng madaling-araw sa loob ng kanilang bahay.

Nabatid na mahimbing na natutulog ang biktima malapit sa kanilang bintana nang dumating ang suspek na armado ng ‘di pa batid na kalibre ng baril at iniumang sa ulo ng biktima.

Naalimpungatan ang biktima nang marinig ang kaluskos sa bintana, pero sumambulat ang tatlong putok na tumama sa kanyang mukha, leeg at palad.

Nang tumimbuwang na duguan ay agad na sinaklolohan ng kanyang anak na si Russel ang biktima at isinugod sa pagamutan.

Inaalam pa ng awtoridad ang tunay na motibo sa pamamaril sa biktima pati na ang mapagkakakilanlan sa suspek. Johnny F. Arasga

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply