Kilalanin ang mga switik at kriminal sa Undas

NAGHAHALO ang balat sa tinalupan sa tuwing may pambansang mga okasyon gaya ng Undas.

Sa kabila ng kagustuhan ng mga naniniwala sa Undas na isagawa itong mapayapa, maayos at ligtas, mayroon namang nag-iisip ng kaaliwaswasan.

Kaya para makamit ng mga nag-u-Undas ang kanilang mithiin, dapat isabay nila ang mga pagbabantay sa mga nag-iisip ng kung ano-anong kaaliwaswasan.

Mandurukot at salisi

Itong mga mandurukot at salisi ang naglipana.

Kung saan may kumpulan ng mga tao, andiyan sila na pilit na sumisingit-singit at nang-iipit.

Wallet, cellphone, i-pod, alahas at iba pa ang karaniwang target ng mga ito.

At magagaling ang mga animal na ito. Bibihira sa mga ito ang hindi nakakikilatis ng mga mamahalin at pirated.

Magaling silang magnakaw nang hindi namamalayan. Iniiyakan na lang ng mga biktima ang kanilang kapalaran.

Holdaper at karnaper

Dahil sa grupo at alerto ang mga nag-u-Undas at dahil din sa dami ng mga checkpoint ng mga parak, bibihira ang mga holdaper at karnaper sa mga panahong ito.

Alam nilang kukuyugin sila ng mga biktima, pulis, traffic enforcer, tanod at iba pa kung mabubuking sila.

Pero ang hindi maganda rito ay karaniwang armado ang mga ito.

Kaya dapat na tapatan ang mga ito ng naiisip nating pangontra sa kanilang bangis kung makorner ang mga ito.

‘Yang pagkakaisa at pagtutulungan na may kasamang paggamit ng mabilis na komunikasyon ang isang mahalagang paraan laban sa mga ito.

Hit and run

Ang mga nagbibiyahe naman sa malalayong lugar ay biktima ng mga hit and run.

‘Yun bang === mga mandurugas na nagtitinda sa mga lansangan.

Trabaho ng mga ito ang mag-alok ng mga paninda na pagkain, tuwalya, belt, eyeglass at iba pa habang nakatigil ang mga sasakyang laman ang mga pasahero.

Oras na bigyan mo ang mga ito ng malalaking halaga at hindi eksaktong presyo ng inilalako nilang paninda, huwag kang umasa na babalik ang mga ito kung sasabihin nilang ipababarya ang iyong pera.

Naglalaho na parang bula ang mga ito makaraang tanggapin ang iyong malaking bayad na may sukli.

Kulang sa timbang

Itong mga naglalako ng masasarap na pagkain, mga Bro, gaya ng sugpo, alimango at iba pang pinanggigigilan natin na maiuulam pagdating natin sa ating pupuntahan ay dapat na pag-ingatan.

Alam ba ninyo na may mga pabigat sa mga timbangan na ginagamit ng mga ito?

Yang isang kilong sugpo o alimango ay kalahati lang pala. Eh ang mamahal pa ang mga ito sa lansangan.

Parking pay

Sa Metro Manila, masusuka ka sa pagsasamantala ng mga may-ari ng mga bahay sa mga kalye-kalye.

Paano ka hindi masusuka kung itinuturing nilang pag-aari nila at pribadong parking space ang mga kalsada?

Kaya mararanasan mo na hindi ka pupuwedeng mag-park ng iyong sasakyan kung hindi ka magbabayad ng parking fee.

May tawaran pa riyan.

May mga tarantado ring may hawak na mga piniratang tiket na isusubo sa iyo.

At may oras ang parking time. Yun bang === good only for two hours ang P50 o P100 mo.

Kung lalampas ka riyan, may patong nang P20 o P30 kada oras.

Kung hindi lang nangangailangan ng hinahon at pasensiya ang okasyon, makasasakal ka ng sarili mong kababayan.

Scalper

Marami ang scalper ng mga tiket sa mga istasyon ng sasakyan.

‘Yun bang === namamakyaw ng mga tiket ng mga sasakyan saka nila ibebenta ang mga ito nang mahal.

Kung sa palagay ninyo ay ordinaryo lang na gawain ito, nagkakamali kayo.

May sabwatan kung minsan diyan ng mga scalper at may hawak ng mga tiket.

Ang drama nila, hindi sila matutuloy kaya ibinebenta nila.

Eh libo, mga Bro, ang biktima ng mga ito.

Bitbit-karga

Isa sa mga nakaiinis na nangyayari sa mga istasyon ng bus o anomang sakayan, mga Bro, ang mga bitbit-karga.

Kahit magaan ang iyong dala-dala, may mga magpipilit na hawakan yan at kunwari ihahatid ka nila palabas o papasok sa sasakyan.

Pero magugulat ka na lang na sisingilan ka.

Akala mo, mga porter o sadyang tauhan ang mga ito ng mga sasakyan, yun pala, mga mandurugas.

Ang problema, hinahayaan lang sila ng mga tauhan ng mga terminal na gumawa ng mga katarantaduhan.

Walang kaibhan ang mga ito sa mga fixer sa Land Transportation Office na kahit kilala silang fixer ay hindi sinasawata.

Akyat-bahay

Kung ligtas, maayos at mapayapa man ang iyong pakikipagtipan sa iyong mahal sa buhay na nasa mga libingan, huwag kang makasisiguro na pagbalik mo sa iyong bahay ay okey ang lahat.

Magandang bisitahin ang mga gamit sa loob ng bahay.

Alam ba ninyo kung gaano kagagaling ang mga akyat-bahay sa paglalabas ng mga malalaking gamit gaya ng tangke ng LPG, aparador, ref at iba pa?

Pati mga katulong na magaganda ay natatangay ng mga akyat-bahay at yari ang iyong mga pera at alahas sa ganitong mga akyat-bahay.

Kaya mag-ingat ang lahat ngayong Undas.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply