Kongreso kinalampag sa FOI bill

MISTULANG kinalampag ng Senate Blue Ribbon Committee ang kasamahan sa Kongreso na ipasa kaagad ang Freedom of Information (FOI) Bill bilang bahagi ng rekomendasyon sa tinapos na imbestigasyon sa maanomalyang bentahan ng lumang helicopter sa Philippine National Police (PNP).

Naniniwala ang komite na pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona III na mas lalong mapapalakas ng administrasyon ang kampanya laban sa katiwalian at korapsiyon sa pamahalaan kung ganap nang batas ang FOI Bill.

“Isinusulong ng komite ang pagsasabatas ng Freedom of Information Bill upang magbigay ng depinido, malinaw at maipatutupad na pamantayan para sa kinauukulang mamamayan at grupo na makasilip sa mga kritikal na impormasyon tulad ng may relasyon sa pagbili ng produkto, proyektong imprastruktura at consulting services sa gobyerno,” ayon sa committee report.

“While the current procurement law allows NGOs and other citizen observers to be present in various stages of the procurement process, the value of their participation can only truly be given meaning if this is guided by accurate and relevant information which is made reasonably available to them by government,” dagdag ng report.

Ayon kay Guingona, isa lamang ito sa rekomendasyon ng komite hinggil sa kontrobersiyal na pagbili ng PNP ng lumang helicopter na pag-aari ni dating First Gentleman Mike Arroyo na kinasuhan ng graft kabilang ang dating at kasalukuyang opisyal ng PNP at National Police Commission (Napolcom).

Bukod kay Arroyo, kinasuhan din ng graft si dating Interior Secretary Ronaldo Puno at dating PNP chief Director General Jesus Versoza, at 16 pang opisyal ng pulisya na sangkot sa pagbili ng lumang helicopter.

Kabilang din sa rekomendasyon ng komite ang pagpapabigat ng parusa laban sa mapapatunayang nagkasala sa graft and corruption case kung saan gawing hindi bababa sa 12 taong pagkakakulong mula sa kasalukuyang 6-15 years imprisonment.

Nais din ng komite na pahabain ang prescription period sa pagsasampa ng kaso kung saan gagawin na itong 20 taon mula sa kasalukuyang 15 taon.

Isinulong din ng lupon ang pag-amyenda sa Government Procurement Reform Act na lalong palakasin upang hindi na maulit ang nangyari sa PNP chopper scandal.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply