Kontratang di nasusunod, sa abroad pa lamang ilaban na!

ILANG kababayan na ba natin sa ibayong-dagat ang patuloy na nagiging biktima ng breach of contract o paglabag sa kontrata lalo na sa Saudi Arabia?

Isa lamang si Jesus Herradura, overseas Filipino worker (OFW) sa Burayda, Al Qassim, probinsya sa Kaharian ng Saudi Arabia, na biktima ng breach of contract ng kanyang employer.

Ayon kay Cecile, may-bahay ni Jesus, buwan ng Mayo 2011,  umalis ang kanyang asawa upang magtrabaho bilang tile setter ngunit dahil sa hindi naaayon ang kanyang trabaho roon sa kanyang pinirmahang kontrata, nagpasya na lamang na umuwi ng bansa si Jesus.

Makalipas ang mahigit lamang na isang buwan mula ng dumulog si Cecile sa Bantay OCW, isang magandang balita, nakauwi na ng bansa si Jesus lulan ng Saudi Airlines. Magkasama naman silang nagtungo sa ating programa upang magpasalamat at ilahad ang kanyang naging karanasan bilang OFW.
Hangad na lamang nila na mabawi sa kanyang ahensya ang hindi ibinigay na sahod ng kanyang employer.

Kasalukuyan ng nakapaghain ng kanyang reklamo sa POEA si Jesus, at nakatakda ang kanyang pagdinig laban sa ahensyang A System International Corporation sa darating na Oktubre 04 at 17, 2011, sa tanggapan ni Concilator Lucy Austria. At maging sa NLRC, Laguna sa darating na Oktubre 12 at 19 sa tanggapan ni Arbiter Emma Cabrera.

Marami sa ating mga OFW ang nakararanas ng di pagsunod sa kontrata sa ibang bansa ngunit tila pigil na ipaglaban ang kanilang mga karapatan bilang manggagawa. Ang ating OFW na si Jesus ay isa lamang sa ilan nating kababayang naglakas-loob na magsumbong hinggil sa paglabag ng kanyang employer sa kontrata niyang pinirmahan. Bunga nito, agad siyang nakauwi sa bansa ng matiwasay at sa kasalukuyan tuloy ang laban niya sa kanyang ahensya para makamit ang katarungan.

Kaya naman sa ating mga OFW, kung nakararanas na ng paglabag sa inyong kontrata, ipaglaban na ito habang nasa abroad pa lamang.

Nagpapasalamat ang inyong Bantay OCW sa tanggapan ni Atty. Alejandro Padaen, Director ng Adjudication Office sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) dahil sa mabilis na pagtungon sa kasong ito ng ating kabayan, upang makauwi siya ng bansa.

Taus-puso din pong nagpapasasalamat ang inyong Bantay OCW sa mga ahensya ng ating pamahalaan na patuloy ding nagbabantay at nagbibigay-proteksyon sa ating mga OFW sa iba’t ibang panig ng daigdig.

Bantay Kaso

•PAUL ABRIO LUMANDAS (Asawa ng OFW na nais nang umuwi mula sa Singapore)

RUBELYN QUILLATON (OFW na nais nang umuwi mula sa Singapore)

KASO: Nakaranas ng pagmamaltrato si Rubelyn mula sa kaniyang employer, mula sa kalmot sa mukha hanggang sa pagkakaroon ng bukol sanhi ng pagkauntog sa kanya sa comfort room. Nasa Embahada ng Pilipinas sa Singapore si Rubelyn at nais magpatulong na makauwi na ng bansa.

UPDATE:  Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Vice Consul Jed Martin Llona ng Assistance to Nationals (ATN). Ayon kay Administrative Staff Eduardo Sison, nasa pangangalaga ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa Embahada ng Pilipinas sa Singapore ang ating kabayan. Kasalukuyang inaayos pa ang reklamo nito laban sa kanyang employer upang makauwi na ito sa bansa.

•ERVIN JANUYAN (Bayaw ng OFW na finished contract na sa Al Ahsa, KSA ngunit ayaw pa din pauwiin ng employer)

RUFINO BARROCA (OFW na finished contract na sa Al Ahsa, KSA ngunit ayaw pa din pauwiin ng employer)

KASO: Abril 2011 pa natapos ang kontrata ngunit ayaw pa rin pauwiin ng kanyang employer.

UPDATE:  Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Atty. Alejandro Padaen, Direktor ng Adjudication Office sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Ayon kay Account Officer Baby Masangcay, nakapagpadala na ang kanilang tanggapan ng labing-limang araw na palugit (15 days notice) sa YHMD Agency upang alamin ang estado ng ating kabayan at aksyunan ang reklamong ito.

•ARNOLD MARQUEZ (Asawa ng OFW na nais nang umuwi mula sa Riyadh, KSA)

•MA. CRISELDA DAVID (OFW na nais nang umuwi mula sa Riyadh, KSA)

KASO: Dalawang (2) buwan ng walang sahod, hindi rin pinapakain at walang komunikasyon sa mga naunang employer nito. Kasalukuyang nasa ikatlong (3) amo at nais ng umuwi ng bansa.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang BANTAY OCW kay Labor Attache Adam Musa ng Philippine Overseas Labor Office- Eastern Regional Office (POLO-ERO) sa Dammam, KSA.  Direktang nakausap ng BOCW si Labatt Musa, ayon sa kanya, kasalukuyang nakikipag-ugnayan pa ang POLO sa employer ng ating kabayan ukol sa nais nitong pag-uwi sa bansa.

•EDWARD PALENCIA (OFW mula sa Riyadh na nais mabawi ang naibayad sa inaplayang ahensya)

KASO: Muling nag-aplay si Edward sa Apex Grande International Labor Agency, subalit nais na lamang mabawi ang naibayad sa kaniyang medikal matapos maghintay ng apat na buwan upang makaalis.

UPDATE: Nakipag-ugnayan ang Bantay OCW sa Integrated Bar of the Philippines (IBP). Handang tumugon sa problema ni Edward si Atty. June Ambrosio.

Tinanggap naman ng ating kabayan ang areglo ng Apex Grande International Labor Agency na paalisin sa lalong madaling panahon yamang na-verify natin sa POEA na mayroon nang naipasang Job Order bilang Admin. Assistant patungong Doha, Qatar ang ahensya. Sagot ng ahensya ang re-medical ni Edward upang matuloy ang kaniyang pangingibang-bansa dahil dumating na ang kaniyang working visa.

Patuloy nating babantayan ang kaso ng ating kabayan hanggang sa makaalis na siya patungong ibang bansa.

***

Bantay OCW sa Radyo Inquirer 990 AM
Ang Bantay OCW ay mapapakinggan mula Lunes hanggang Biyernes 7:00-8:30 p.m. sa DZIQ Radyo Inquirer 990 AM. Para po sa inyong mga problema, hinaing at
kahilingan, maaring magtungo sa Radyo Inquirer studio, 2nd Floor Media Resource Plaza Building, Mola St. cor. Pasong Tirad St., Barangay La Paz, Makati City. Para sa mga OFW sa ibayong dagat, mag-log on lamang sa www.dziq.am

Bantay OCW sa PTV Channel 4
Ang Bantay OCW ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes 10:15-11:15 p.m. sa PTV Channel 4. Mapapanood din sa pamamagitan ng internet: www.ptni.tv

Bantay OCW Foundation Operations Center
Ang Bantay OCW Foundation Operations Center ay naglilingkod araw-araw Lunes hanggang Biyernes 8:00 a.m.-5:00 p.m. sa 631 Shaw Boulevard, Mandaluyong City. Maaari po kayong makipag-ugnayan sa ating mga telepono: 5357209, 8819423 at 0919214.0699.
Telephone Numbers:  5357209, 8819423 at 09192140699.
Email: susankbantayocw@yahoo.com/bantayocwfoundation@yahoo.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply