Laway lang puhunan ni Ongpin – Serge

HINDI lamang tubong-lugaw ang kinita ni dating Trade and Industry Secretary Roberto Ongpin sa biniling sapi sa Philex Mining Corporation mula sa inutang na P660 milyon sa Development Bank of the Philippines (DBP) kundi laway lamang ang kanyang puhunan.

Ganito ang paniniwala ni Sen. Sergio “Serge” Osmena III matapos matuklasan na may ilan pang blue chips shares na binili ni Ongpin sa Meralco at Petron Corporation mula sa inutang na puhunan mula sa DBP.

Ayon kay Osmena, inamin ni dating DBP president Reynaldo David na naglagak din ng pamuhunan ang bangko sa Meralco at Petron na matapos mapabalitang may bibili nito saka ibinenta kay Ongpin ang saping binili ng bangko sa naturang dalawang kompanya.

“Sabi ko, ‘Philex lang ba?’ ‘Hindi po, Petron din.’ ‘Petron lang ba?’ ‘Hindi po, Meralco din.’ Sabi ko, ang galing naman ninyo. You invested in the only 3 companies that were subject of take-overs,” ayon kay Osmena.

Ipinaliwanag ni Osmena na matapos ibenta ng DBP kay Ongpin ang sapi ng bangko sa Meralco at Petron, saka naman binili ng ibang negosyante ang naturang kompanya sa mas malaking halaga bawat sapi kaya kumita nang todo si Ongpin sa transaksiyon na ginamit ang inutang na pondo sa DBP.

“Siguro hindi niya aaminin na meron siyang previous knowledge. But you will remember that Meralco was taken over by Manny Pangilinan, pero nagbakbakan muna sila ni Ramon Ang. Binibili po ni Ramon Ang ang shares at P300/share, at si Manny Pangilinan din, di ba nga nag-sell out ang mga Lopez group? “ giit ni Osmena.

“Yung Petron ganun din, ‘yung Ashomore ang pumasok dun, which is a company represented by Bobby Ongpin. And then, of course, Philex. Tatlong firms iyon,” ayon pa sa senador.

Sinabi pa ni Osmena na pinahiram din ng pera ng DBP si Ongpin sa pamamagitan ng kompanya nitong Global 5000 upang ipambili ng sapi sa Petron bago ito bilhin naman ng ibang negosyante.

“Pero hindi lang ‘yun. Pinahiram din niya ng pera ‘yung grupo ni Bobby Ongpin, isang korporasyon called Global 5000 to buy the Petron shares,” paliwanag ng senador.

“Talagang ginigisa yata ang Pilipinas sa sariling mantika because with Philex, ganun din. Parang laway lang ang puhunan ng Ongpin group,” ani Osmena.

Bagama’t hindi direktang nakapasok bilang management ang Ongpin group sa Meralco, sinabi ni Osmena na kumita naman ang mga kompanya nito sa pagbebenta ng sapi sa grupo ni Pangilinan at Ang.

“Stored knowledge. Hindi naman alam ng publiko. Pagkatapos ibebenta nila ang shares nila, P90/share lang. Tapos pero ‘yung take-over price, P300/share. Sino kumita? Si Bobby Ongpin. Uli, sa Philex, binenta ng P12/share, tapos binenta ni Bobby Ongpin at P21/share. Sino ang kumita? Hindi ang DBP, kundi si Bobby Ongpin, di ba?” ngitngit ng senador. Ernie Reyes

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply