Libingan ng mga Bayani at libingan ng mediamen

PARANG buhay ng mga buhay ang nagaganap sa buhay ng mga patay.

Sinisikap ng lahat na maging maayos ang paggunita sa araw ng mga santo at patay ngunit katulad ng nagaganap sa hanay ng mga buhay, puno pa rin ng kaguluhan ang lugar ng mga patay.

SINIRA NG MGA BAHA

Kung mamamasyal tayo, mga Bro, lalo na sa pampublikong libingan, ang dami ang nawawalang puntod.

Maraming puntod o nitso ang winasak ng mga nagdaang baha, landslide at alon.

Alalahanin natin na maraming sementeryo ang  matatagpuan sa mga bahaing lugar, gilid ng mga bundok at tabing dagat.

May mga ataul o bangkay pa nga na natatagpuan sa labas ng mga libingan dahil naaanod ang mga ito makaraan silang tangayin ng mga baha at alon.

LAPIDA, MARKER NINANAKAW

Marami naman ang nagrereklamo ukol sa mga nawawalang lapida at marker.

Meron kasing taning sa pag-angkin ng rights sa mga nitso.

Kapag nag-expire yan at hindi pinayagan na ma-renew, hindi lang ang mga buto ang mawawala kundi pati ang lapida.

Ninenegosyo yan ng mga sepulturero at ibinebenta nang mura sa mga gumagawa ng lapida para maibenta muli sa iba.

‘Yung mga bronze at stainless na marker sa mga lapida ay ninanakaw din.

Sepulturero o talagang mga kawatan ang gumagawa nito.

Halimbawang kumpleto ang mensahe gaya ng petsa ng kapanganakan at kamatayan, ngalan ng namatay at may family remembrance pa, binubunot ang mga ito saka ipinakikilo.

‘Yung iba, ninanakaw para ibenta sa mga may kaparehong letra o tatak.

Ang nakapagtataka, hindi minumulto ang mga ito at parang ang multo pa ang takot sa mga tarantadong ito.

SA SARILING BAKURAN

Para hindi ka mamroblema sa libingan, subukin mo na lang ang mag-aplay sa municipal o city health office para sa sariling compound mo na lang ilibing ang iyong yumao.

Meron nga akong kakilala na inilibing ang magkapatid sa mismong pintuan ng bahay nila.

Akala mong upuan lang na magkaharap sa pasukan ng bahay ang mga mukhang bangkong semento.

‘Yun pala, mga puntod ng mga yumaong miyembro ng pamilya ang mga iyon.

SA COLUMBARY KA NA LANG

Ang dami nang gumagamit ng columbary.

‘Yun bang === libingan ng mga abo ng mga kine-cremate na namatay.

Walang hassle riyan.

Basta magbayad ka ng tama, may kalalagyan ng urna o sisidlan ng abo ng iyong yumaong mahal.

Kung mamamasyal-masyal kayo, mga Bro, hindi lang commercial na columbary ang iyong makikita.

Marami sa mga simbahan ang meron niyan.

Akala mo pader lang ng simbahan pero libingan pala ng mga abo.

Magkakaroon ka ng titulo riyan at basta may taon-taon kang pambayad ng fee, sa iyo yan.

Pupuwede mo ring ipamana ang butas sa gusto mong susunod na sa iyo.

Hehehe!

LIBINGAN NG MGA BAYANI

Talagang magulo rin ang daigdig ng mga patay.

Tingnan na lang ninyo sa libingan ng mga bayani.

May inaayawang mailibing doon dahil mamamatay-tao at magnanakaw daw.

Pero yung ibang mga mamamatay-tao at magnanakaw din, inililibing naman.

May mga 21 gun salute pa at kantada misa habang isinisilid sa butas.

Tinatanggap din ang mga nagsu-suicide at minimisahan pa nang todo.

Ang mga nangmamasaker, alright din sa libingan ng mga bayani.

Kung iniisip natin ang lahat ng ito, sino-sino nga ba ang mga bayani?

LIBINGAN NG MEDIAMEN

May namatay na bang mediaman na inilibing sa libingan ng mga bayani?

Tanong yan sa kapwa ko mediamen.

Hindi yata itinuturing na bayani ang mediamen.

Pero may mga mediamen noong panahon ng Katipunan gaya ng mga manunulat at propagandista.

Sina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar at iba pa.

Pero saan inilibing ang mga ito?

NAAALALA NATIN SILA

Habang isinusulat natin ito, sumiksik sa ating utak ang mga napapatay na mediamen.

Kumusta na kaya ang katarungan para sa kanila?

May iilang convicted sa regional trial court.

Pero wala pang kaso na itinuturing na pinal ng Korte Suprema.

Kaya naman masasabing wala pang ganap na hustisya na nakakamit ang mediamen.

Kahit pa may sinasabi  ang mga parak na case closed na ang kaso kung may nahuli silang mga suspek, minus karaniwan ang mga utak ng pamamaslang.

Mula Luzon hanggang Mindanao, mga Bro, ang mga pagpatay sa mediamen.

May mga pinagpapaslang mula Ilocos Norte, Cordillera at Isabela hanggang sa Central Luzon, Metro Manila, Bicol region, Visayas at Mindanao.

Nagpupugay tayo sa lahat ng ating mga kabarong namatay dahil sa paggampan ng kanilang tungkulin at pakikipaglaban para sa malayang pamamahayag.

Hindi man sila inilibing sa libingan ng mga bayani, tagos sa ating puso at kaluluwa ang halaga ng kanilang buhay na iniaalay nila para sa buong bayan.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa programang Power Point ng RHTV o DZRH 666khz AM tuwing Sabado 3 to 4 PM, www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply