Libreng newborn screening sa Taguig

TIYAK na matutuwa ang mga ginang na katatapos pa lamang magsilang ng kanilang mga supling dahil sa bagong inilatag na programa nina Senador Pia Cayetano kasama ang hipag na si Taguig Mayor Laarni Cayetano, ayon sa pahayag ni Public Information Chief Darwin Icay, ngayong tanghali.

Nakatakdang suriin ng mga dalubhasang manggagamot ang mga bagong silang na sanggol sa Taguig sa bisa ng libreng newborn screening sa ilalim ng pinagtuwangang programa ng mga Cayetano.

Ang programa, na pinangalanang newborn screening – the gift of life for our children na popondohan ng halagang P220,000.00 mula sa Priority Development Assistance Fund ni Pia ay may target na 400 newborn beneficiaries.

Sinabi ni “Ate Lani” na hindi pinakupas ng panahon paniniwala ng kanilang pamilya na nasa kabataan ang pag-asa ng bayan kaya sinikap ng pamahalaang lokal na maglaan ng programa upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga bagong sibol na henerasyon.

“Lubhang mahalaga ang newborn screening dahil doon makikita kung mayroong congenital metabolic disorder ang mga bagong silang na sanggol na maaaring mauwi sa mental retardation o ‘di kaya ay mas malubha pa dito,” ani Mayor Cayetano.

Ipinaliwanag pa ng ginang ng senador na marami ang makikinabang sa ilalatag na programa ng lokal na pamahalaan, kabilang aniya ang mga rehistradong mamamayan na magsisilang sa Taguig Lying-in Clinics simula ngayong buwan ng Oktubre 2011 hanggang Setyembre ng taong 2012 kasama ang mga ihahandog na libreng newborn screening kit.

Ang mga kasisilang na sanggol ay sinusubaybayan at sinusuri ng Philippine Newborn Screening Program sa mga sakit na congenital hypothyroidism, congenital adrenal hyperplasia, galactosemia, phenylketonuria at glucose 6–phosphate dehydrogenal deficiency. Sa sandaling kakitaan ang mga babies ng alinman sa mga karamdamang nabanggit ay kaagad na inire-refer sa mga pagamutan upang ito ay gamutin.

Samantala, sinabi naman ni Taguig City Health Office Chief Dr. Isaias Ramos, na may mga sanggol na normal kung pagmamasdan sa sandaling mailuwal ng kanilang mga ina at malalaman lamang aniya kung may karamdaman ang mga ito kapag sumailalim sa newborn screening.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply